Nasa 3,000 residente mula sa bayan ng Pulilan, Bulacan na kabilang sa priority sectors kasama ang ilang mga Bulacan-based local media ang binakunahan nitong Biyernes ng first dose ng AstraZeneca vaccine na bahagi ng biniling bakuna ng lokal na pamahalaan ng Pulilan na nakapaloob sa tripartite agreement.
Ayon kay Dr. Wlbert Eleria, Municipal Health Officer (MHO) ng Pulilan, ang 3,000 doses ay bahagi at partial vaccines ng P20-million halaga ng bakuna na binili ng munisipyo nitong nakaraang Enero 2021.
Pinangunahan ni Mayor Maria Rosario Ochoa-Montejo at staff/ personnel ng MHO ang isinagawang pagbabakuna sa panibagong 3,000 residente ng nasabing bayan kabilang ang mga nasa priority sectors gaya ng A2: senior citizens, A3: persons with comorbidities and A4: frontline personnel at mga nasa working sectors.
Ayon kay Montejo, sa kasalukuyan ay nasa 26% o nasa 21,400 pa lamang ang mga nababakunahan sa kaniyang nasasakupan at ang bakunang ginamit sa mga ito ay mula sa Department of Health (DOH) sa tulong ng Provincial Government of Bulacan (PGB.
Aniya, upang makamit ang herd immunity, kailangan ng Pulilan LGU na mabakunahan ang 78-80K Pulilenyos mula sa 120,000 populasyon nito.
“Sa 78-80k na need mabakunahan for the herd immunity, 3k palang ang dumating sa binili nating bakuna at maliit pa lang iyon. More than 50k pa ang need para sa target na mabakunahan. We are confident that by the end of this year or maybe early next year mai-deliver na lahat ng vaccines,” ani Montejo.
Base sa report ng Pulilan Municipal Health Office, ang nasabing munisipalidad as of July 19 ay nakapagtala ng 1,603 total confirmed COVID-19 cases; total recovered ay 1,453 na mayroong 58 deaths at 92 active cases.