Ika-apat na Blood Station ng PRC sa Bulacan, bukas na

MARILAO, Bulacan — Bukas na sa mga nais magkaloob at nangangailangan ng dugo ang ikaapat na Blood Station ng Philippine Red Cross Blood Station ng Philippine Red Cross Blood Station ng Philippine Red Cross o PRC sa Bulacan.

Pinangunahan ni Senador Richard J. Gordon, Tagapangulo at Chief Executive Officer ng PRC, ang pagbubukas ng nasabing pasilidad na matatagpuan sa unang palapag ng bagong tayong Annex Building ng munisipyo ng Marilao. Katapat nito ang Municipal Social Welfare and Development Office o MSWDO.

Layunin nito na maging madali para sa karaniwang taga-Marilao at maging sa mga taga-karatig bayan ng Santa Maria, lungsod ng Meycauayan at Obando na makakuha ng dugo sa oras ng pangangailangan. 

Sadyang inilapit din ang bagong blood station sa MSWDO dahil karaniwan na ang mga maralita ang lumalapit at sumasadya dito upang humingi ng tulong partikular na sa mga pangangailangang pangkalusugan. Nagiging takbuhan din ito ng mga mahihirap na nasasalanta ng mga kalamidad. 

Ayon kay Gordon, bahagi ito ng target ng PRC na malagyan ng mga blood stations ang bawat distrito sa Bulacan. 

Sa mahabang panahon ay nakasentro lamang sa lungsod ng Malolos, na nasa unang distrito, ang suplay ng dugo para sa mahigit tatlong milyong populasyon ng lalawigan. 

Kaya naman mula noong 2018, binuksan ang blood station ng PRC sa Baliwag para sa ikalawang distrito, sa San Rafael para sa ikatlong distrito na binuksan kamakailan at itong nasa Marilao para sa ikaapat na distrito. Nakatakda namang buksan ang isa pang blood station sa lone district ng San Jose Del Monte sa susunod na taon.

Kaugnay nito, hinikayat ng senador ang mga taga-ikaapat na distrito ng Bulacan, partikular na ang mga taga-Marilao, na buhayin ang pagkakaroon ng ugaling pagkukusang loob, pagmamalasakit at pakikipagkapwa-tao upang maging magaan sa kalooban ang pagbibigay ng sariling dugo. 

Kinakailangan ang suplay ng dugo sa mga sitwasyon na may tinamaan ng sakit na Dengue, mga surgical operation at maging sa panahong may digmaan. 

Nilinaw din niya na bagama’t libre ang mismong dugo, may kaukulang bayad ang mga serbisyo at pagproseso sa bawat partikular na pangangailangan sa dugo. 

Kabilang dito ang testing para sa Hepatitis B, Hepatitis C, HIV, Syphilis, Malaria, Hemoglobin, Blood Typing at Vital Signs. 

May halagang 1,800 piso ang whole blood service fee at 1,100 piso kung may Donor’s Card.

Sinumang hihingi ng dugo sa PRC ay kinakailangang may blood request form mula sa ospital na may pirma at tala ng lisensiya ng doctor.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews