Lungsod ng San Jose del Monte, may bagong sports complex

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Pwede nang magamit ang bagong tayong City of San Jose Del Monte Sports Complex na matatagpuan sa barangay Sapang Palay.

Sa dami ng mga sports complex sa lungsod, itong itinayo sa Sapang Palay ang pinakamalaki dahil mayroon itong seating capacity na limang libo. 

Ayon kay Engr. Ramiro M. Cruz ng Department of Public Works and Highways Second Bulacan District, ito ay isang pamana sa mga kabataan at sa lahat ng mapagmahal sa palakasan sa lungsod ng San Jose Del Monte. 

May halagang 17 milyong piso ang ginugol sa proyekto mula sa Pambansang Badyet ng 2018, na napaaprubahan ni Kinatawan Florida Robes ng Lone District ng San Jose Del Monte sa Kongreso. 

Bukod sa malaking kapasidad, dalawang layers ang mga bleachers nito at mayroong international standard na Basketball Court. 

Pwede rin itong pagdausan ng iba pang uri ng mga pagtitipon dahil pinapalibutan ang City of San Jose Del Monte Sports Complex nang malawak na parking space. 

Itinayo ito malapit sa City College of San Jose Del Monte kaya’t magiging pasilidad din ito para sa asignaturang physical education, recreation at sports.

Ang harapan o façade ng City of San Jose Del Monte Sports Complex ay may rampa kung saan uubrang magbaba at magsakay ang mga sasakyan. 

Pinatingkad ito ng mga flower and plant boxes sa paligid at kinumpleto sa mga pasilidad para naman sa mga may kapansanan.

Samantala, pinakabitan ng Pamahalaang Lungsod ng San Jose Del Monte ng mga street LED lights ang kahabaan ng Minuyan road na siyang gateway patungo sa bagong Sports Complex.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews