BMC magdadagdag ng 200 hospital beds para sa COVID-19 patients

Inihayag ni Bulacan Governor Daniel Fernando na magdadagdag sila ng 200 hospital beds para ma-accommodate ang mga pasyenteng moderate to critical o nasa high risk na kaso ng coronavirus disease (Covid-19) bilang bahagi ng kanilang Covid Surge Capacity Design.

Kabilang sa mga hakbanging ipapatupad ng Pamahalaang Panlalawigan ay ang pagtalaga sa provincial hospital na ngayon ay Bulacan Medical Center (BMC) bilang Covid center facility kung saan ang OB Ward o maternity ward ang siyang gagawing additional ICU section para sa mga mayroong malalang kaso ng Covid.

Ayon kay Fernando, ang BMC at Bulacan Infection Control Center (BICC) ay siyang magiging  primary Covid Referral Facility para sa moderate to critical covid-19 suspect at positive patients.

Sa BMC OB Ward  ilalagay ang nasabing additional hospital beds para sa mga high risk level na Covid patients bukod pa ang ICU section sa BICC  habang ang OB Ward ay ililipat naman sa Calumpit District Hospital.

 Dahil malapit ang  Plaridel Emergency  sa BMC, ito ang magsisilbing Animal Bite Center ng BMC para sa out-patient services habang ang mga extra personnel nito ay ililipat sa  Calumpit District Hospital  para sa reinforcement.

Ipinaliwanag din ng gobernador na walang confinement sa BMC na non-Covid patient pero ang mga dadalhin sa BMC Emergency na mga out-patient ay dito bibigyan ng paunang lunas at kukuhanan ng mga laboratory tests subalit ililipat din sa ibang mga district hospitals kung kailangan i-confine.

Ang Local Governance Building na unang ginawang Provincial Quarantine Facility ay in-upgrade na at exclusive na lamang para sa mga frontline health workers.

Ayon pa kay Fernando, ang mga quarantine facilities sa Bulacan State University (BulSU) ay magsisilbi nang stepdown facility o recovery stage facilities.

Bukod pa rito ang  Bulacan Community Mega Quarantine Facility sa Bulacan Sports Complex sa Barangay Sta. Isabel sa Lungsod ng Malolos na pinondohan ng P16 million mula sa provincial government.

Nabatid pa na ang mga doktor at nurse sa mga district hospitals ay mananatili na sa kanilang designated hospitals at hindi na iikot pa sa ibang mga pagamutan.

Mananatili naman sa local government unit ang kapasidad na i-cater sa kanilang mga isolation at quarantine facilities ang mga moderate cases.

“Ang panibagong pagsiklab ng pandemya ay nangangailangan ng ating mabilis at hindi pangkaraniwang pagtugon. Kakaiba ang sitwasyon ngayon, hindi pwedeng karaniwan ang pagtugon. Kailangan nating ng stratehiya, kailangan natin ng taktika. We need to act fast and to think smart,” pahayag ni Fernando.

Nabatid na kabilang ang Bulacan sa NCR Plus buble kasama ang Metro Manila mga lalawigan ng Laguna, Cavite, Rizal at nananatili naman ito sa pinaka mababa na mayroong kaso ng Covid-19 sa kasalukuyan.

As of April 19, 2021, nakapagtala ang Bulacan ng , 3,496 active cases, 19,448 recovered patient, 614 deaths buhat sa kabuuang 23,558 verified cases.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews