Bulacan, DOLE, nagbigay ng ayuda sa higit 400 Bulakenyo

 5 

LUNGSOD NG MALOLOS – Sa pangunguna ng Department of Labor and Employment at sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office (PYSPESO), may 497 Bulakenyo ang nabigyan ng ayuda o tulong pangkabahuhayan.

Sa idinaos na Singkaban Festival kamakailan, nakapaloob dito ang mga programa ng DOLE at PYSPESO kung saan 227 ang napagkalooban ng Tulong Panghanapbuhay sa Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Payout; 210 indibidwal ang sumailalim sa DOLE Integrated Livelihood Program (DILP); 50 estudyante na nagtapos para sa Special Program for Employment of Students (SPES) habang may 10 bisikleta na may kasamang cellphone ang ipinagkaloob sa 10 piling manggagawang Bulakenyo para sa kanilang paghahanapbuhay katulad ng ibang transportation delivery na serbisyo.

Kabilang sa ibinabang ayuda sa may 210 DILP ang mga sumusunod: 50 benepisyaryo para sa hilot wellness massage kit; 50 indibidwal ang nabigyan ng welding machine; 50 katao para sa mga gamit sa food processing; 40 sewing machine starter kit; tatlong Negokart para sa Indigenous People ng Brgy. San Mateo, Norzagaray at 20 indibidwal para sa oven machine.

Samantala, tumanggap ng tig-P4,200 ang bawat benepisyaryo ng TUPAD na kabilang sa kumikita ng maliit na sahod o vulnerable na sektor habang P6,300 naman sa SPES.

Pinangunahan nina Gob. Daniel R. Fernando, Bokal Alexis C. Castro at DOLE Bulacan Chief May Lynn C. Gozun ang nasabing programa.

Ani Fernando, “Purihin ang Diyos! Again, Lord, thank you sa mga grasyang ibinaba Ninyo sa amin. Maraming salamat sa ating Labor Secretary Silvestre H. Bello III at ating Senador Joel Villanueva na laging nakasuporta sa lalawigan ng Bulacan. Para po sa mga benepisyaryo, sinupin at paunlarin po sana ninyo ang mga tulong na inyong natanggap para po sa ikabubuti ng inyong kabuhayan at pamilya.  Patuloy lamang po tayong magdasal, magpakatatag at malalampasan din natin ang mga pagsubok na ito.”