Bulacan isinailalim sa State of Calamity 

Isinailalim na ang lalawigan ng Bulacan sa State of Calamity dahil sa epekto at pinsala ng Habagat na hinatak ng bagyong Egay.

Ito’y sa bisa ng Kapasyahan Blg. 579-T’2023 na pinagtibay sa special session ng Sangguniang Panlalawigan.

Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction Management Office Head Manuel Lukban, ang deklarasyon ay nagbibigay ng pahintulot upang wastong magamit ang Local Disaster Risk Reduction and Management (LDRRM) Fund.

Base sa quarterly reports sa full disclosure policy ng Provincial Accounting Office ng pamahalaang panlalawigan nitong Hunyo 30, kasalukuyan na may halagang P268 milyon ang LDRRM Fund ng Kapitolyo.

Sa loob ng nasabing halaga, 30 porsyento nito ang nakalaan sa Quick Response Fund na katumbas ng P93.6 milyon habang ang nalalabing 70 porsyento o P138.3 milyon ay para sa Disaster Prevention and Mitigation, Preparedness, Response at Early Recovery and Rehabilitation. 

Iba pa rito ang P35.9 milyon mula sa iba’t ibang funding sources na ibinigay sa pamahalaang panlalawigan.

Kabilang ang nasabing mga pondo sa mga pagkukuhanan ng iba’t ibang uri ng tulong para sa mga binaha at napinsala. 

Halimbawa na rito ang 5,631 na pamilyang inilikas sa mga evacuation center na katumbas ng 21,637 na indibidwal. 

Kabilang sila sa may 228,648 na mga pamilya na naapektuhan ng nasabing malawakang pagbabaha sa 171 na mga barangay.

Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Office Head Rowena Tiongson, sila ang prayoridad na mapagkalooban ng mga food pack mula sa Kapitolyo. 

Halos 3,000 food packs na ang inisyal na naipadala habang ipinapaubaya na sa mga pamahalaang bayan at lungsod ang paghahatid ng mga food pack sa mga pamilyang binaha ngunit hindi na lumikas.

Kasabay nito, nakapagpadala na ang Department of Social Welfare and Development ng unang 3,513 na mga Family Food Pack. 

Ibinigay ito sa mga naapektuhan sa mga bayan ng Angat, Norzagaray, Guiguinto at  Pandi.

May darating pa na nakalaan para sa mga bayan ng Calumpit, San Miguel at Hagonoy at lungsod ng Malolos.

 Sa agrikultura, umaabot na sa inisyal na P93.1 milyon ang pinsala. 

Ayon kay Provincial Agriculturist Gloria Carillo, pinakamalaki ang pinsala sa sektor ng high value commercial crops kung saan P39.9 milyong halaga ng mga tanim na gulay ang nasira na kabuhayan ng 572 na mga maggugulay.

Nasa 4,073 na ektaryang lupang sakahan ng palay ng 2,973 na mga magsasaka naman ang nalubog sa malaking pagbaha na aabot sa P25.4 milyon ang halaga. 

Mayroon ding napinsala sa sektor ng maisan na may halagang P66,000.

Iba pa rito ang pag-apaw ng 859.57 ektarya ng mga palaisdaan sa Bulacan na pag-aari ng 668 na mga mangingisda, kung saan P27.6 milyong halaga ng mga isda, hipon at iba pang yamang dagat ang tumapon.

Naapektuhan din ang 116 na nasa industriya ng paghahayupan na nalugi ng P10.7 milyon at 130 na mga magma-manok pati na ang may itlugan na nasa P4.3 milyon ang halaga ng pinsala. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews