LUNGSOD NG MALOLOS — Bumyahe na ang apat na trak na may lulan na limang libong food packs patungong Batangas bilang ambag ng Bulacan sa mga naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.
Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Office Head Rowena Tiongson, bawat isang food pack ay naglalaman ng apat na kilong bigas, apat na delata, limang pakete ng kape at dalawang pakete ng noodles.
Sinabi ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Head Felicisima Mungcal na dalawang 6×6 truck at dalawang ten-wheeler truck ng Provincial Engineering Office ang ginamit upang bukod sa makapaghatid ng mga food packs ay makatulong din sa rescue at evacuation efforts.
Mayroon ding isinama na isang ambulansya na may lulan na medical at rescue teams upang tumulong sa patuloy na rescue, relief at evacuation efforts sa mga apektadong bayan. Kumpleto ito sa mga pangunahing kagamitan gaya ng personal protective equipment.
Bukod dito, nagbigay ng direktiba si Gobernador Daniel R. Fernando na maglabas ng isang milyong piso ang Kapitolyo upang maipagkaloob sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas bilang dagdag na tulong.