Bulacan officials ginunita ika-124 anibersaryo ng Philippine Republic 

GINUNITA ng mga matataas na opisyal sa lalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Governor Daniel Fernando ang ika-124 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas na ginanap sa historic grounds ng Barasoain Church sa City of Malolos nitong Lunes, January 23, 2023, 

Ang selebrasyon ay may temang “Unang Republikang Pilipino: Gabay Tungo sa Napapanahong Pagbabago” kung saan sinimulan ang programa sa flag raising ceremony at wreath laying activity sa monumento ni President Gen. Emilio Aguinaldo na pinangunahan nina Gov. Fernando kasama si First District Representative Danilo A. Domingo bilang honorary guest. 

Dumalo rin dito sina Vice Gov. Alexis Castro, Malolos City Mayor Christian Natividad, Bulacan Police director Col Relly Arnedo, OIC-Executive Director Carminda R. Arevalo of the National Historical Commission of the Philippines at Barasoain Parish priest Rev. Fr. Domingo Salonga. 

Sa kaniyang mensahe sinabi ni Cong. Domingo na lubos ang kaniyang pagbati sa mga kasalukuyang mga pinuno ng lalawigan ng Bulacan na katulad  ng mga naunang lider noong 1899 dahil sa kanilang dedikasyon sa paglilingkod bilang mga public servant at pagtaas ng antas ng bawat Filipino.

Sa lahat ng progreso at pag-unlad na paparating sa lalawigan, siniguro ni Fernando na nananatili sa puso ng mga Bulakenyo ang pagkamakabayan at respeto sa lalawigan kung saan naitatag ang Unang Republika ng Pilipinas. 

“Sa modernisasyon at kaunlarang kinakaharap ng ating lalawigan, nais kong ipinta sa mga puso’t isip ng bawat Bulakenyo ang kahalagahan ng araw ng pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas. Ito ay araw ng pagdakila sa ating mga ninuno na inilaban ang demokrasya; ito ay araw ng pagkilala sa lalawigan bilang mahalagang bahagi ng kasaysayan,” anang gobernador.

“Ang araw na ito ay hindi lamang araw ng pinangarap, tinangisan at pinagbuwisan ng buhay bagkus ang araw na ito ay nagsisilbing kaluluwa sa ating pagka-Pilipino,” wika naman ni Mayor Natividad.

Binanggit sin ni Natividad na siya ay nalulungkot dahil pakonti ng pakonti ang mga dumadalo sa nasabing selebrasyon.

Dumating din ang ibang mga opisyales gaya nila 5th District Representative Cong. Ambrosio Cruz Jr., 3rd District Cong. Lorna Silverio, 4th District Cong. Ador Pleyto, Meycauayan City Mayor Henry Villarica, Obando Mayor Leonardo Valeda, First District Engineers Office-DPWH District Engr. Henry Alcantara, department heads at mga empleyado ng kapitolyo.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews