Handang-handa na ang koponan ng DF Bulacan Republicans na siyang magiging kinatawan ng lalawigan ng Bulacan para sa nalalapit na pagbubukas ng pinakaaabangang liga sa bansa ang National Basketball League (NBL) Season 4 sa darating na July 17, 2021.
Ayon kay Bulacan Governor Daniel Fernando na tumatayong team governor/ owner, hindi matatawaran ang hirap at pagod na puhunan ng bawat manlalaro ng DF Bulacan Republicans at tiniyak nito na magbibigay ng magandang performance ang kanilang koponan.
Sinabi ni Fernando na habang hindi pa natutuloy ang plano nitong Bulacan Sports Academy dahil sa pandemya, patuloy pa rin ang layunin niyang palakasin ang mga Bulakenyong atleta kabilang na rito ang muling pag-anib ng nasabing koponan sa bagong professional basketball league sa bansa, ang NBL.
“Gusto kong magkaroon ng advance learning and technology ang mga manlalarong Bulakenyo, pero sa ngayon, nang imbitahan tayo ng NBL, kinuha natin ‘yung opportunity na palakasin ‘yung ating mga homegrown basketball players at i-develop ‘yung kanilang discipline, sportsmanship and humility,” ani Fernando.
Kasama rin sa management ng team sina Romy Cardenas bilang Co-owner/ Team Governor; Team Managers: Atty. Julius Victor Degala, Datsun Fulgar, Benjie Santos at Jeffrey Puertillano; Coach Paul John Macapagal, Asst. Coach Fin Arilielh Nuguit at Noel Leguin bilang trainer.
“Sa kabila ng mga hamon dulot ng pandemya ay nagpursige ang bumubuo ng Damayang Filipino Bulacan Republicans na makapaghanda mabuti para sa torneo. Asahan na bawat laban ng koponan ay makikitaan ng husay at katatagan na tatak ng mga manlalarong Bulakenyo,” Ayon kay TM Degala.
Ayon naman kay Cardenas, naniniwala siya na kayang makipaglaban ng mga Bulakenyo sa propesyunal at pambansang liga.
Kamakailan ay natanggap na ng bawat player ng DF Bulacan Republicans kabilang ang mga team management ang kanilang mga lisensiya mula sa Games and Amusements Board (GAB) Chairman Baham Mitra at opisyal na sila nabibilang sa mga basketball professional players sa bansa.
Ang DF Bulacan Republicans ay binubuo ng mga players na sina Christian Necio, John Michael Cruz, John Keneth Reyes, Joseph Ryan Celso, Ernest Efren Reyes, Jason Maglalang, Paolo Miguel Andres, Rjay Ramirez, Ryan Spencer Operio, Dominick Fajardo, Jerick Sumapong, Ronnifer Camua, Warlo James Batac at Sydney Santos.
Nabatid na ito ay ika-4 na season ng NBL at unang season naman ngayong 2021 bilang professional league sa bansa.
Napag-alaman pa na kabilang ang Bulacan sa 1st launching NBL subalit hindi naman napabilang sa nagdaang 2nd at 3rd season dahil sa masalimoot na kadahilanan at ngayon nga ay nagbabalik sa Season 4 at sa pagkakataong ito ay sa tulong ni Gov. Fernando at ang co-team owner na si Cardenas.
Dedepensahan naman ng koponan ng Pampanga Delta ang tropeo bilang defending champion sa nagdaang 2020 NBL 3rd Season.
Paglilinaw ng gobernador, ang pagkakalahok ng Bulacan team ay hindi sa ilalim ng pangangasiwa ng provincial government kundi bahagi lamang ito ng kaniyang pagsuporta sa mga Bulakenyong atleta lalo na sa koponan ng DF Bulacan Republicans.
Naitatag ang NBL noong 2018 bilang isang developmetal league at unang professional homegrown league sa mundo na naglalayong paghusayin ang talento ng mga homegrown na atleta ng mga bayan, lungsod o lalawigan na nakatakda magsimula sa July 17, 2021.
Ayon pa kay Degala, ang ibang mga tampok na laro ay gaganapin sa Bulacan Capitol Gymnasium na siyang magiging official basketball court venue sa Norte.
Kahanay ng NBL ang Philippine Basketball Association (PBA), Manny Pacquiao Basketball League (MPBL) at Chooks-to-Go 3×3 sa listahan ng mga professional leagues sa bansa na nagbibigay ng pagkakataon sa mga manlalaro na magkaroon ng exposure at hindi upang makipagkumpetensya sa kapwa nila propesyunal na paliga.