Mahigit tatlong milyong piraso ng mga facemasks ang ipamamahagi sa mga Bulakenyo mula sa Tanggapan ng Pangulo sa pamamagitan ng programang “Mask Para Sa Masa” sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa isinagawang ceremonial turn over nitong Miyerkules sa sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Lungsod ng Malolos.
Nabatid na ito ay Presidential initiative project na ipinatutupad mula sa Inter-Agency effort ng mga national agencies gaya ng Department of Health (DOH), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Procurement Service–Department of Budget Management (PS-DBM), Armed Forces of the Philippines (AFP), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at , Department of Science and Technology-The Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI).
Ang Masks Para sa Masa ay programa ng pamahalaang nasyunal na naglalayong magbigay ng mga libreng face mask upang maproteksyunan ang anim na milyong mahihirap na pamilya o mahigit 35 milyong indibidwal sa bansa laban sa COVID-19 at upang makapagbigay ng kabuhayan sa mga micro, small and medium enterprises, mga kooperatiba at iba pa.
Ayon kay Provincial Social Welfare and Development Officer Rowena J. Tiongson, tumanggap ang Bulacan ng may kabuuang 3,265,167 piraso ng mga non-medical cloth na face mask na ipamamahagi sa 653,033 pamilya sa pamamagitan ng house-to-house distribution kasama na ang mga benepisyaryo ng ESP SAP, 4Ps, UCT SOcPen at Listahanan sa pamamagitan ng mga itinalagang mga city/municipal social welfare development officer ng bawat yunit ng pamahalaang lokal.
Ipinahayag naman ni Gobernador Daniel Fernando ang kanyang pasasalamat sa pamahalaang nasyunal at sinabing ang mga naturang face mask ay siguradong makatutulong sa pagsugpo sa paglaganap ng virus.
“Lubos po ang aking pasasalamat sa pagkakaloob ng mga libreng face mask na ito para sa mga Bulakenyo. Magiging kabawasan din ito sa mga pang araw-araw na gastusin ng ating mga kalalawigan, lalo na dahil sa proteksyong maidudulot nito sa mga tao dahil ang simpleng pagsusuot ng face mask ay makapagliligtas sa ating sarili at sa ating kapwa,” ayon kay Fernando.
Ayon sa gobernador, patuloy nilang palalakasin ang laban kontra Covid-19 bilang bahagi ng kanilang mga ginagawang hakbangin sa ilalim ng Covid Surge Capacity Design ng provincial government.
Kazama rin sa nasabing seremonya sina DSWD Usec Rene Glen Paje at DTI Asec. Dominic Tolentino Jr.
Ayon kay Asec. Tolentino, ang mga nasabing face masks na ipamamahagi sa 569 barangays sa Bulacan ay gawa ng mga maliliit na negosyante o ang tinatawag na Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) na naapektuhan ng pandemiya.
Tumanggap din ang Pamahalaang Panlalawigan ng mga donasyon mula sa Pitmaster Foundation, Inc. noong Lunes kabilang na ang 10,000 piraso ng noodles, 10,000 piraso ng sardinas, 1,000 sako ng 25 kilo na bigas at isang ambulansya habang ang Guerrero Brothers naman ay nagbigay ng 400 sako ng 25 kilo na bigas 10,000 piraso ng noodles at sardinas na ipamamahagi rin sa mga Bulakenyo.
Ayon sa COVID-19 surveillance update ngayong araw, mula sa kabuuang 26,011 kaso ng COVID-19 sa lalawigan, 22,270 (86%) ang nakarekober, 3,095 (12%) ang mga aktibong kaso at 646 (2%) ang namatay.