LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Nagsagawa ng community education program ang Commission on Filipinos Overseas o CFO sa Pampanga upang paigtingin ang adbokasiya patungkol sa migrasyon at trafficking.
Ayon kay CFO Supervising Emigrant Officer Janet Ramos, layunin ng aktibidad na pataasin ang kamalayan ng publiko tungkol sa migrasyon at pag-aasawa ng dayuhan gayundin sa mga umiiral na patakaran at programa ng pamahalaan laban sa illegal recruitment, pamemeke ng mga dokumento at human trafficking.
Sa pakikipagpulong sa mga media, tinalakay ni CFO Emigrant Services Officer II Princess Mayumi Kaye Peralta ang iba’t ibang mga programa ng komisyon para sa mga potensyal na migrante kabilang ang Pre-Departure Orientation Seminar, Guidance and Counseling Program, J1 Visa-Exchange Visitor Program at Country Familiarization Program for Au Pairs.
Samantala, tinalakay naman ni Ramos ang iba’t ibang anyo at paraan ng human trafficking at kung paano ito naiiba sa illegal recruitment. Ibinahagi din niya ang mga hotline laban sa human trafficking.
Bilang karagdagan, sinabi ni Philippine Commission on Women Gender and Development Specialist Claire Ruzzel Esturas na kasama sila sa nasabing adbokasiya upang tiyaking natutugunan ng mga programa ng CFO ang mga pangangailangan ng parehong kasarian.
Bukod sa nasabing aktibidad, nagsagawa rin ang grupo ng panayam sa radyo at forum sa mga unibersidad sa lalawigan. (CLJD/MJSC-PIA 3)