Bahagi ng pagsusulong sa “new normal” upang makaiwas sa panganib ng COVID-19, sinimulan na ng Baliwag Business Permit and Licensing Office (BPLO) ang pag-iinspeksyon sa lahat ng mga rehistradong establisyemento sa Baliwag.
Layunin nito na masuri kung tumatalima ang mga negosyo sa Baliwag sa itinalagang minimum health standards ng lokal na pamahalaan, gaya ng, ngunit hindi limitado, sa social distancing, pagsusuot ng face mask, pagkakaroon ng mga alcohol/hand sanitizer, paggamit ng mga visual signages/markers, at pagsunod sa maximum occupancy capacity.
Sa tala ng BPLO, nasa 4,564 ang negosyo na nakarehistro sa Baliwag na kailangang inspeksyunin upang masigurado ang kaligtasan ng mga empleyado at kanilang kliyente sa laban kontra COVID-19.
Ayon kay Mayor Ferdie Estrella, mahalagang makapagsagawa ng pagsusuri sa bawat establisyemento, lalo na sa mga mall, kung saan marami mga tao ang dumadayo. Giit ng punongbayan, ito naman ay para sa proteksyon at seguridad ng lahat, lalo na ngayon sa panahon ng pandemic.
Paalala naman ni Nilo Fernando, pinuno ng BPLO, ang mga pamantayan na kailangang sundin sa “new normal” ay nakasaad sa Executive Order No. 23 S. 2020 “Imposition of General Community Quarantine in the Municipality of Baliwag”, Visual Signages at Carrying Capacity Format, na maaaring idownload sa BPLO Facebook.
Sa nasabing executive order, nakasaad na ang mga establisyementong hindi makatutupad sa safety protocols ay maaaring bawian o tanggalan ng kanilang business permit bilang parusa.
Kaya naman mabuting pinaaalalahanan ni Mayor Estrella at ng BPLO ang lahat ng mga mangangalakal sa Baliwag na sumunod sa mga itinakdang quarantine measures ng pamahalaang bayan.