LUNGSOD NG MALOLOS — Target matapos sa taong 2022 ang unang dalawang runway sa anim na planong ilatag para sa itatayong New Manila International Airport sa Manila Bay na bahagi ng Bulakan, Bulacan.
Iyan ang kinumpirma ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa isang panayam sa katatapos na pagpapasinya ng Phase 2 ng Plaridel Bypass Road kamakailan.
Nagpahayag din ng suporta ang kalihim sa proyekto ngayong pormal na itong aprubahan ni Pangulong Duterte sa ginanap na pulong ng National Economic and Development Authority Board.
Isa itong unsolicited proposal na proyektong imprastraktura kung saan ang pribadong sektor, ang San Miguel Corporation o SMC, ang nagkaroon ng inisyatiba na siyang nagsumite ng panukala sa pamahalaan.
Sasailalim ito sa Swiss Challenge na isang sistemang ibubukas sa lahat ng iba pang pribadong sektor na may interes na magtayo ng kamukhang proyekto kung kayang tapatan ang iniaalok na halaga ng puhunan.
Nagkakahalaga ang proyekto ng 735 bilyong piso o mga nasa 10 bilyong dolyar na itatayo sa 2,500 ektaryang lupain na pagmamay-ari ng SMC.
Sa loob ng espasyong ito, 1,168 ektarya ang magiging laki ng mismong Airport Terminal building.