DepEd Olongapo tinuran ang tulong, suporta ng mga stakeholders

LUNGSOD NG OLONGAPO — Tinuran ng Department of Education o DepEd Olongapo City ang iba’t-ibang tulong ng mga stakeholders bilang suporta sa new normal ng edukasyon. 

Kasabay ng kanyang taos-pusong pagpapasalamat, ipinahayag ni Olongapo City Schools Division Superintendent Leilani Cunanan na bawat inisyatibo ng kanilang mga partners ay tiyak na magtataguyod sa dekalidad na edukasyon.

Una na rito, ibinagi niya ang pagpapahiram ng pamahalaang lungsod sa Cable Channel 124 at 125 upang maipalabas ang mga video lessons na may durasyong pito hanggang 10 minuto bawat isa.

Ani Cunanan, 24 oras na magagamit ang isang channel habang alas-otso ng umaga hanggang alas sais ng gabi naman ang timeslot ng isa pa.

Alinsunod naman sa kasunduan sa pagitan ng DepEd Olongapo City, Asian Vision Olongapo at 96.7 K-Lite FM, maglalaan ng isang oras ang bawat istasyon upang i-ere ang iba’t-ibang aralin ng mga mag-aaral. 

Bukod dito, nakipag-partner din ang Smart sa kanilang tanggapan para sa proyektong Infocast System na naglalayong mapabilis ang daloy ng komunikasyon sa mga guro, iba pang empleyado, at kalaunan mga estudyante. 

May kanya-kanya ring inisyatibo ang bawat Parents-Teachers Association ng mga paaralan upang matagumpay na maipatupad ang Learning Continuity Plan na tinatawag ding “From Classroom to Classhome.” 

Giit ni Cunanan, nagpaabot ng health kits, hygiene kits at disinfectant materials ang mga pribadong grupo at alumni associations sa iba’t-ibang paaralan sa Olongapo.

Nakatakda ring mamigay ng learning kits ang isang stakeholder sa mga Kindergarten learners upang malinang ang kanilang gross motor skills. 

Dagdag pa Cunanan, tumutulong din sa mga paaralan ang mga opisyal at Sangguniang Kabataan mula sa iba’t-ibang barangay.

Pagtitiyak niya, hindi masasayang at magkakaroon ng positibong epekto sa edukasyon ng mga mag-aaral ang bawat naitulong ng kanilang mga partners. (

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews