Hindi magagamit ang mga bagong biling Subscriber Identity Module o SIM card na hindi nairerehistro matapos ang Abril 26, 2023.
Iyan ang binigyang diin ni Department of Information and Communications Technology o DICT Undersecretary Anna Mae Lamentillo sa simula ng Assisted SIM Registration sa Calumpit, Bulacan.
Ipinaliwanag niya na ang mga existing SIM card na hindi mairerehistro pagsapit ng naturang petsa ay kusang magiging deactivated.
Obligado aniya ang bawat indibidwal na mamamayan ng Pilipinas at maging ang mga dayuhan na pumapasok sa bansa na irehistro ang bawat SIM card na kanilang pag-aari, alinsunod sa Republic Act 11934 o SIM Registration Act.
Layunin nito na mapaigting ang paglaban sa cybercrime, online scams at iba’t ibang uri ng panloloko at krimen.
Sinabi pa ni Lamentillo na ito ay bahagi ng prayoridad ng administrasyong Marcos upang mapatibay ang Digital Economy ng bansa.
Sa Bulacan, sinabi ni National Telecommunications Commission o NTC Central Office Regulation Branch Director Imelda Walcien na 80 porstento ng 3.7 milyong populasyon ng lalawigan ang tinatayang dapat na mairehistro ang kani-kanilang mga SIM Card.
Katumbas ito ng nasa 2.9 milyong Bulakenyo na may inisyal na tig-iisang mga SIM Card.
Kaugnay nito, patuloy na mag-aalok ng pag-agapay ang mga telecommunication provider sa mga subscriber na may analog na uri ng cellular phone sa direktiba ng NTC.
Ayon kay NTC Region 3 Enforcement and Operations Division Head Wilson Lejarde, nagtalaga ng mga booth ang mga telecommunication provider para agapayan ang mga may analog cellular phone sa pagpaparehistro ng kani-kanilang mga SIM card.
Kabilang dito ang mga subscribers ng Globe, Smart at ang bagong ikatlong player na DITO.
Sinabi naman ni Lejarde na ang mga subscriber ng GOMO ay kusa nang nairehistro mula nang mabili ang nasabing SIM card.
Samantala, tiniyak ni Calumpit Mayor Glorime Faustino na kakatuwangin ang may 29 na mga pamahalaang barangay sa kanyang bayan sa pagpapatupad sa naturang batas.
Ito’y sa pamamagitan ng pagdadaos ng SIM Registration Assistance sa nasabing mga barangay upang mas mailapit sa karaniwang mga mamamayan na nasa latian at kabukiran.
Libre ang pagpaparehistro ng SIM card, basta’t kailangan lamang na makapagpakita ng government-issued identification cards sa empleyado ng mga telecommunication provider na tutulong na sila’y mairehistro. (CLJD/SFV-PIA 3)