DOH: Early detection mahalaga upang malabanan ang HIV

Ipinahayag ng Department of Health (DOH) ang kahalagahan ng maagang konsultasyon upang malabanan ang pagkalat ng sakit na Human Immunodeficiency Virus (HIV).

Kung maagang matutuklasan ang HIV ay agad na masisimulan ang gamutan upang maiwasang tuluyang humina ang resistensiya ng katawan na maaari pang magdulot ng iba’t ibang uri ng pagkakasakit o komplikasyon. 

Ayon kay DOH Central Luzon Center for Health Development Infectious Diseases Cluster Nurse V Geliza Recede, maaring alamin ang HIV status sa pamamagitan ng libreng pagpapasuri sa mga rural health units at government health facilities. 

Kailangan ang antiretroviral therapy sa mga mayroong HIV na libreng ipinagkakaloob sa mga government treatment facilities. 

Panawagan ni Recede, may magagawa ang lahat upang labanan at tuluyang tuldukan ang pagkalat ng HIV sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng tamang impormasyon tungkol sa sakit.

Ang HIV ay umaatake o sumisira sa resistensiya ng tao o immune system na panghabambuhay na impeksyon dahil wala pang lunas at bakuna upang ito ay maiwasan.

Naihahawa ito sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa taong positibo sa HIV na walang gamit na proteksyon, gayundin sa pagsalin ng kontaminadong dugo, at paggamit ng kontaminadong hiringgilya. 

Ito ay naipapasa rin ng ina na positibo sa sakit tungo sa ipinagbubuntis na anak, sa mismong panganganak o sa pagpapasuso. 

Ang sakit ay mayroong asymptomatic stage o panahong walang nararamdamang sintomas na tumatagal ng buwan o kaya ay taon. 

Kabaliktaran naman ang symptomatic stage na nararanasan kung tuluyang nasira na ng HIV ang resistensiya ng tao, kaya mabilis nang madapuan ng sakit na maaari pang humantong sa pagkakaroon ng Acquired Immunodeficiency Syndrome.

Batay sa datos ng ahensiya ay tinatayang nasa tatlong kaso ng HIV ang naitatala kada araw sa buong rehiyon.  

Ayon pa kay Recede, ang epektibong proteksyon upang makaiwas sa pagkakaroon ng HIV ay ang paggamit ng condom at lubricant, gayundin ang pag-inom ng pre-exposure prophylaxis bago makipagtalik.

Kaniyang panawagan, iwasan ang diskriminasyon sa mga taong may HIV bagkus ay sama-samang labanan ang sakit sa pamamagitan pagpapalaganap ng tamang impormasyon at kaalaman. (CLJD/CCN-PIA 3) 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews