Door-to-Door na paghahatid ng food packs sa Bulacan, ipapatupad

LUNGSOD NG MALOLOS — Hindi magkakaroon ng pilahan sa pamamahagi ng mga food packs sa 569 na mga barangay sa Bulacan, ngayong umiiral ang Luzon Enhanced Community Quarantine bilang pagsugpo sa sakit na coronavirus disease o COVID-19.

Ayon kay League of Municipalities of the Philippines-Bulacan Chapter President at Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz, ihahatid ito sa kada bahay o sa pamamagitan ng sistemang Door-to-Door upang matiyak ang pagsunod sa social distancing.


Nagsimula nang dumating sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos ang mga suplay ng pagkain na nakatakdang ipamahagi sa may mahigit 81 libong pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at Listahanan. Sila ang prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na pagkalooban ng mga tulong sa suplay ng pagkain ngayong umiiral ang Luzon Enhanced Community Quarantine. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Iyan aniya ang epektibong istratehiya na dapat gawin ng mga 21 punong bayan at 3 punong lungsod sa lalawigan. 

Sa bayan ng Guiguinto, sasagutin ng pamahalaang bayan ang 65 porsyento nang gastusin sa pamamahaging food packs habang ang 35 porsyento ay magmumula sa pondo ng pamahalaang barangay. 

Sa lungsod ng Malolos, sinabi ni Mayor Gilbert Gatchalian na kasalukuyan nang nagsasagawa ng repacking para sa unang 20 libong food packs na nagkakahalaga ng anim na milyong piso. 

Nagsimula naman na sa lungsod ng Meycauayan ang pamamahagi ng mga food packs sa mga barangay ng Malhacan, Perez, Iba at Camalig. 

Bukod sa suplay ng pagkain, sinamahan na rin ito ng mga alcohol at iba pang karagdagang disinfectant sa direktiba ni Mayor Linabelle Ruth Villarica.

Sa lungsod ng San Jose Del Monte, na tahanan ng mahigit sa isang milyong Bulakenyo, nilinaw ni Mayor Arthur Robes na prayoridad na mabigyan ng mga food packs ang mga indigent families o ang mga mahihirap na pamilya at mga pansamantalang nawalan ng kabuhayan dahil sa umiiral na Luzon Enhanced Community Quarantine. 

Kaugnay nito, binigyang diin naman ni Gobernador Daniel Fernando sa pakikipag-usap sa mga punong bayan at mga punong lungsod ng lalawigan, na tiyakin na mabigyan ng mga pamahalaang lokal ang mga karapat-dapat mapagkalooban ng mga food packs. 

Prayoridad aniyang bigyan ng Pamahalaang Panlalawigan ang may 81 libong mga pamilyang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at Listahanan ng Department of Social Welfare and Development.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews