Bulacan naglaan ng 5 bus, 10 dyip para sa mga health worker

LUNGSOD NG MALOLOS — Naglaan ang pamahalaang panlalawigan ng limang bus at sampung dyip na magbibiyahe sa mga health worker sa Bulacan Medical Center o BMC at iba pang district hospital.

Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, ito ay ginawa upang hindi mahirapang makapasok at umuwi ang mga health worker papasok at pauwi mula sa mga ospital.

Ipinag-utos ni Fernando ang libreng sakay bilang simbolo ng pasasalamat sa walang katumbas na dedikasyon ng mga health worker na maglingkod at upang ipakita na nakasuporta ang pamahalaang panlalawigan at sisikaping sila’y panatilihing ligtas.

Mabebenepisyuhan ng libreng sakay na ito ang mga health worker mula sa BMC at district hospitals kabilang ang Baliuag District Hospital, Calumpit District Hospital, Emilio G. Perez Memorial District Hospital sa Hagonoy, Gregorio del Pilar District Hospital sa Bulakan, Plaridel Emergency Infirmary Hospital, Rogaciano M. Mercado Memorial Hospital sa Santa Maria at San Miguel District Hospital.