LUNGSOD NG MALOLOS — Nagkaloob ng 10 milyong piso ang Department of Science and Technology o DOST para patinuin at pag-ibayuhin ang research and development ng Bulacan State University o BulSU.
Sa isang panayam sa idinaos na pagtatapos ng mga nasa kursong Inheneriya sa BulSU, sinabi ni DOST Secretary Fortunato Dela Pena na bahagi ito ng pamumuhunan ng ahensya para itaguyod ang Science, Technology and Innovation agenda ng administrasyong Duterte.
Ito’y sang-ayon sa kanyang 10-puntong Socio Economic Agenda na nakapaloob sa 2017-2022 Philippine Development Plan.
Prayoridad aniyang gastusan ng nasabing pondo ang research and development ng BulSU sa laranga ng inheneriya, agham at matematika.
Binigyang diin ng kalihim na hindi basta research lang ang kailangan kundi high quality research na makakatulong sa pag-angat ng bansa sa Global Innovation Index.
Hinalimbawa niya ang Hybrid Electric Train na resulta ng isang matagumpay na research and development ng Metals Industry Research and Development Center. Ito ay unang ipinakilala sa publiko noong Hunyo 2016 at ngayo’y ginagamit na ng Philippine National Railways sa biyaheng Alabang hanggang Calamba.
Samantala, nag-alok din si Dela Pena sa mga nagsipagtapos ng kursong inheneriya sa BulSU na kapag nakakuha at nakapasa sa pagsusulit para sa lisensiya sa pagka-inhinyero, na kumuha na rin ng masteral sa nasabing propesyon at magbibigay ng scholarship ang DOST para rito. (PIA 3)