LUNGSOD NG MALOLOS – Sa layuning matugunan ang mga epekto ng El Niño phenomenon sa mga kapus-palad at hindi kalakasang sektor sa komunidad, nilagdaan ang isang Memorandum of Understanding sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Pamahalaang Bayan ng Doña Remedios Trinidad (DRT) at isinagawa ang Ceremonial Launching of Project Local Adaptation to Water Access (LAWA) at Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished (BINHI) sa Brgy. Kalawakan, DRT, Bulacan kamakailan.
Nakapailalim ang nasabing proyekto sa Risk Resiliency Program Through Cash-For-Training and Work at sakop nito ang mga apektadong lalawigan ng El Niño batay sa DOST-PAGASA Climate Outlook noong Nobyembre at Disyembre 2023; mga lalawigan at piling mga yunit ng lokal na pamahalaan na nagpapatupad ng RRP-CFTW at top five na lokal na pamahalaan na may pinakamataas na porsyento ng mahihirap na nakalista sa Listahanan 3.
Ang Project LAWA at BINHI ay nakikita bilang isang proactive na interbensyon at sustenableng solusyon na makatutulong na tugunan ang seguridad sa pagkain at kakulangan sa tubig na pinalala ng pagbabago ng klima at mga sakuna.
Bukod sa DRT, ibababa din sa ibang mga bayan sa Bulacan ang Project LAWA at BINHI kabilang ang Bocaue, Norzagaray, San Ildefonso, Santa Maria, Pandi at Plaridel.
Sa kanyang mensahe na ipinaabot ng kanyang kinatawan na si DSWD Undersecretary Diana Rose Cajipe, sinabi ni Secretary Rex Gatchalian na ang selyadong partnership ay nagsisiguro na ang mga vulnerable sector ay bibigyang prayoridad sa panahon ng kakulangan sa tubig.
“Ang Memorandum of Understanding na ating pinirmahan ay sumisimbolo sa ating pagkakaisa sa pamamahagi ng social protection services sa tunay na mga nangangailangan nating mga kababayan, lalong lalo na sa mga katutubo, magsasaka, mangingisda, at iba pang sektor na posibleng maapektuhan ng panahon ng tagtuyot,” ayon sa kalihim ng DSWD.
Dagdag pa niya, ang mga serbisyo sa ilalim ng nasabing programa ay naaayon sa Philippine Development Plan 2023-2028 ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Samantala, sinabi ni Gob. Daniel R. Fernando sa kanyang mensahe na binasa ng kanyang Chief of Staff Abgd. Nikki Manuel S. Coronel na ang paglulunsad ng Project LAWA at BINHI ay mahalagang bahagi sa pagbuo ng isang ligtas, sagana at inklusibong bansa.
“Sa pinagsama-samang pwersa ng Department of Social Welfare and Development, Department of Agriculture, Department of the Interior and Local Government, UN World Food Program, University of the Philippines Los Baños, Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, Pamahalaang Bayan ng DRT at Sangguniang Brgy. ng Kalawakan, tayo ngayon ay bubuo ng matatag na pundasyon at mag-iimbak ng nag-uumapaw na pag-asa na siyang magiging daluyan ng biyaya para sa ating lahat,” ani Fernando.
Dumalo rin sa okasyon sina Punong Bayan ng DRT Mayor Ronaldo Flores na kinatawan ni Municipal Administrator Inh. Emilson Dela Cruz, Assistant Regional Director Arthur Dayrit ng DA, Maria Christine De Leon ng Department of the Interior and Local Government Central Luzon, Deputy Country Director Dipayan Bhattacharyya ng Philippines, UN WFP, Cong. Lorna Silverio, Bokal Liberato Sembrano, Punong Bayan ng Norzagaray Ma. Elena Germar, Director Reynaldo Dingal ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), IPMR Councilor Emelita Evangelista, Florinio Saplala, kinatawan ni Bise Gob. Alexis C. Castro, at Assistant Secretary for Community Engagement Ulysses Hermogenes Casimiro Aguilar, Regional Director Venus Rebuldela at Special Assistant to the Secretary for Special Projects Maria Isabel B. Lanada ng DSWD.