DTI, patuloy ang pagbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa Nueva Ecija

LUNGSOD NG CABANATUAN — Siniseguro ng Department of Trade and Industry o DTI Nueva Ecija ang patuloy na pagbabantay sa galaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa lalawigan.

Ayon kay DTI Consumer Protection Division Chief Romeo Eusebio Faronilo, ito ay may kaugnayan sa pagpapatupad ng TRAIN o Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law simula Enero ngayong taon.

Base sa mga nalibot nang establisimento ay nakatutugon ang mga ito sa inilatag na Suggested Retail Price o SRP para sa mga pangunahing bilihin.

Paglilinaw ni Faronilo, kabilang sa binabantayan ay ang mga malalaking pamilihan na mayroong 100-libong kapital o higit pa na ubligadong sumunod sa ipinatutupad na SRP ng DTI.

Hindi aniya kasama rito ang mga sari-sari store na nasa mababang halaga lamang ang puhunan.

Kaniya ding binanggit na katulad sa pahayag ni DTI Secretary Ramon Lopez ay asahang mararamdaman pa lamang ang paggalaw ng presyo matapos itong ikalawang linggo ng Enero.

Wala naman aniyang dapat ikabahala ang mga kababayang mamimili dahil linggo-linggo ay may isinasagawang monitoring ang tanggapan sa mga malalaking pamilihan sa lungsod ng Cabanatuan.

Gayundin kada-buwan naman ang monitoring ng DTI sa mga pamilihan sa mga natitirang lungsod at minsan sa tatlong buwan ang pagbabantay sa mga bayang nasasakupan.

Pahayag pa ni Faronilo, aabot sa 20-libong piso hanggang isang-milyong piso o depende sa laki ng establisimento ang magiging multa nang sinumang mahuhuling lumalabag sa pagpapatupad ng SRP sa pamilihan.

Kaniyang payo sa mga mamimili, bagamat mayroong malaking pagbabago sa merkado ang mahalaga ay maunawaan nating lahat ang pangmalawakang epekto ng batas na makapagdaragdag ng mamumuhunan sa bansa at makapagpapabuti ng serbisyo ng gobyerno sa taumbayan. –Camille C. Nagaño

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews