Empleyado ng kapitolyo, PDL sumailalim sa TB screening, chest x-ray

 24 

LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsagawa ng tuberculosis o TB screening at chest x-ray ang Bulacan Provincial Health Office o PHO para sa mga high risk na kawani ng pamahalaang panlalawigan at mga persons deprived of liberty.

Sumailalim sa tuberculin skin test na paraan ng TB screening at chest x-ray ang may 133 na mga empleyado at 85 na kabataang nakapiit sa Bahay Tanglaw Pagasa.

Ayon kay PHO Head Jocelyn Gomez, ang karaniwang sintomas ng TB ang matagal na pag-uubo, pananakit ng dibdib, panghihina o pagkahapo, pagbaba ng timbang, lagnat at pagpapawis sa gabi.

Kaugnay nito, nanawagan si Gobernador Daniel Fernando sa mga Bulakenyo na sakaling may exposure at sintomas ng TB ay agad na magpakonsulta sa duktor.

Maari aniyang magtungo sa pinakamalapit na pampublikong pagamutan kung saan 100 porsyentong libre ang gamutan. 

Naisakatuparan ang naturang aktibidad sa pakikipagtulungan sa Department of Health, Alay Buhay Party List, Philippine Business for Social Progress at Advancing Client-Centered Care and Expanding Sustainable Services for TB.