LUNGSOD NG MALOLOS — Inaabisuhan ng Social Security System o SSS ang mga miyembro nito na gawin ang lahat ng transaksyon sa pagkuha ng benepisyo at paghuhulog ng kontribusyon sa pamamaraang online sa ilalim ng ExpreSSS program.
Ayon kay Baliwag branch manager Marites A. Dalope, isa itong digital service ng SSS na inilulunsad ngayong pagdiriwang ng kanilang Ika-63 taong anibersaryo.
Ito’y upang hindi na kailangang pumunta nang personal ang mga miyembro sa mga sangay nito, lalu na ngayong may pandemya ng COVID-19.
Bukod sa layunin na maging mas maingat sa pakikipagtransaksiyon ngayong pandemya, ang ExpreSSS Program ay pagtugon din ng SSS sa Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act 2018.
Pangunahing makikinabang dito ang mga pensiyonado, mga employers, mga miyembrong may pangangailangan sa kanilang personal na buhay at maging ang mismong state pension fund na ito.
Ipinaliwanag ni Dalope na mandatory o obligado nang gamitin ang ExpreSSS program sa pagsusumite ng mga rekisito sa pagkuha ng benepisyo sa unemployment, sickness, funeral at maging sa salary loans at calamity loans.
Gayundin ang pagpapadala ng maternity notification sa mga nabuntis na miyembro at pati ang sickness notification ng mga nagkasakit, ay dapat ipapadaan na rin sa online sa ilalim ng ExpreSSS program, upang maiproseso ang kani-kanilang benepisyo nang hindi na pumupunta nang personal.
Pinayuhan naman ni Dalope ang mga kaanak ng mga miyembro na pensiyonado, pati na ang mga kaanak na nasa ibang bansa bilang mga overseas Filipino workers, na alalayan sa pagsusumite ng mga rekisito sa pamamagitan ng online filing.
Kaugnay nito, upang makapasok sa online system ng ExpreSSS program, dapat mag-log ang sinumang miyembro sa www.sss.gov.ph para maidownload sa sariling cellphone ang SSS Mobile App kung saan maari nang makakapag-transaksyon.
Doon na rin uubrang mai-attach ang mga scanned documents na kailangan sa mga partikular na benepisyo.