Matagumpay na ginanap kahapon ang Farmers and Fishermen’s Summit 2019 sa Orani Multi-Purpose Gym, Orani, Bataan sa pangunguna ng Kinatawan ng Unang Distrito ng Bataan, Congresswoman Geraldine B. Roman.
Naging panauhing pandangal ang Kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR) na si Sec. John Castriciones kasama ang kanyang dalawang Undersecretaries, at kinatawan ng iba’t ibang ahensya na may kinalaman sa aspeto ng agrikultura at pangingisda.
Kabilang sa mga dumalo sina Dinalupihan Mayor Gila Garcia, Hermosa Mayor Jopet Inton, formerly Board Member Gaudencio Ferrer (Kumatawan kay Gov. Abet Garcia), DENR Bataan PENRO Raul H. Mamac, DAR Bataan PARO Engr. Eric San Luis, SBMA Directress at Dating Kinatawan ng Bataan 1st District, Herminia B. Roman, mga kinatawan ng DTI (PD Nelin Cabahug), Landbank, BFAR, TESDA, National Irrigation Administration at Department of Agriculture.
Ang mga magsasaka at mangingisda mula sa Morong, Abucay, Samal, Orani, Hermosa at Dinalupihan ay dumalo para sa taunang Summit na ito para dinggin ang kanilang mga bagong programang ipinapatupad ng mga nabanggit na ahensya at marinig ang mga problemang kinakaharap ng kanilang sektor.
Nag ulat si Congresswoman Roman sa mga panukalang batas na kanyang naisumite sa Kongreso para sa hanay ng agrikultura kagaya ng Filipino Farmers First Act (HB 4625), Fish and Shrimp Hatcheries Act ( HB 4627), HB 05071 (An Act Mandating NFA to Establish Drying Facilities) at ang panukalang Dinalupihan Rice Development Center.
“Ang sitwasyon ng mga naghihirap na magsasaka at mangingisda ay hindi katanggap tanggap para sa akin,” ani Rep. Roman.
Samantala, nanawagan din sa mga kinauukulang ahensya si Hermosa Mayor Jopet Inton na tulungan siyang maresolba ang mga usaping panlupa o mga land disputes na aniya ay talamak sa kanyang bayan.
Sinabi naman ni Mayor Gila Garcia ng Dinalupihan na mapalad ang Bataan sa pagkakaroon ng karagatan, kabundukan at kabukiran na wala sa ibang lalawigan at kinakailangan na lamang na pagyamanin ito at alagaan katuwang ang mga magagandang proyekto at programa ng pamahalaan.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga magsasaka at mangingisda na marinig ang kanilang mga hinaing at mga katanungan sa lahat ng mga kinatawan ng mga ahensya ng gobyerno na dumalo sa naturang Summit.
Sa hulihang bahagi ng programa ay namahagi ng Certificates of Land Ownership Award o CLOA sa ilang piling magsasaka. Tumanggap din ng farming and fishing equipments ang mga benepisyaryong magsasaka at mangingisdang dumalo.