“Artista kami pero hindi kami sinungaling, hindi kami magnanakaw.”
Binuweltahan ni Bulacan Governor Daniel Fernando ang naging pahayag ng kaniyang dating partner na si Vice Gov. Willy Alvarado patungkol sa naging privilege speech ng huli hinggil sa mga nagkalat na tarpaulin na tumanggap ng pagkilala ang gobernador at ang provincial government bilang No. 1 sa Top 10 richest provinces sa bansa na sinasabing wala umanong katotohanan.
Nabatid na pinuna ni Alvarado sa kaniyang privilege speech sa ginanap na session ng Sangguniang Panlalawigan last week ang mga nagkalat na tarpaulin sa lalawigan kung saan ibinibida rito ang nasabing parangal.
Wala raw katotohanan at kasinungalingan umano ang nakasaad sa mga tarpaulin na pinakamayaman ang Bulacan sa Pilipinas kung saan makikita rito ang pagtanggap ng naturang award ni Gob Fernando.
Pahayag ni Fernando, “Artista po kami pero hindi kami sinungaling at hindi kami magnanakaw”.
“Gagamitin ko ba ang Department of Finance just to lie, malaking kaso ang mangyayari sakin pagka-pinagsinungaling ko yan at ginamit ko ang isang departamento ng nasyunal para lang magkaroon ako ng credential, actually para sa Bulakenyos ang award na iyan,” wika ni Fernando.
“No. 1 richest province sa bansa in terms of pinakamalaking koleksyon sa buwis. Hindi yata niya naiintindihan yan o hindi niya matanggap dahil sa panahon niya ay hindi siya nakatanggap ng ganitong award,” ayon pa sa gobernador.
Binigyan-diin ni Fernando na dapat aniya matuwa at maging proud si Alvarado sa nakamit ng probinsiya bilang siya ay isang Bulakenyo.
“Halatang-halata na namumulitika siya, hirap sa kaniya eh siya pa ang pumupuna, he should be proud of it. Yung ibang probinsiya hindi naman nagreklamo. Doon siya magreklamo sa Department of Finance,” ani Fernando.
Si Fernando at ang kaniyang dating partner na si Alvarado ay makakatunggali na ngayon sa nalalapit na May 2022 elections.
Kinondena rin ni Fernando ang pagsira sa mga tarpaulin nila ng kaniyang running mate na si Bokal Alex Castro bilang bise gobernador partikular na sa Unang Distrito na balwarte ng mga kalaban nila.
Napag-alaman na buhat sa 81 lalawigan sa buong bansa at sa panahon ng panunungkulan ni Fernando bilang gobernador ay kinilala ang lalawigan ng Bulacan bilang Number 1 Performing Province na may pinakamataas na nakolektang local revenues ayon sa memorandum ng Bureau of Local Government Finance (BGLF) (Department of Finance) nito lamang buwan ng Disyembre, 2021.
Nabatid na sa kasagsagan ng panahon ng pandemya ng taong 2020 ay umabot sa P1.72 bilyon ang naitalang kita ng lalawigan mula sa mga koleksyon sa buwis ng real property tax, local business tax, regulatory fees, at iba pang buwis mula sa mga operasyon ng lokal na mga negosyo.
2 Attachments