LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nagsimula nang maglabas ng Food Pass ang Provincial Agriculture Office o PAO sa mga sasakyang kargamento ng mga hilaw at sariwang pagkain.
Iyan ang ipinag-utos ni Crispulo Bautista, Regional Executive Director ng Department of Agriculture o DA, matapos ang pakikipagpulong kay Gobernador Daniel R. Fernando sa Kapitolyo.
Nagtalaga ng authorized signatory ang DA sa mismong tanggapan ng PAO, na nasa bakuran ng Kapitolyo sa Malolos, upang doon na dalin ang mga rekisito at makuha ang Food Pass.
Ibig sabihin, hindi na kailangang pumunta pa sa regional office ng DA upang makuha ito gaya nang naunang anunsiyo. Sa halip ay sa PAO na lamang makukuha nang mas madali at malapit.
Ayon kay Provincial Agriculturist Gloria Carillo, kabilang sa mga itinuturing na hilaw na mga pagkain ay ang mga gulay, rootcrops, buhay na hayop, mga karne, mga sariwang Isda at iba pang kinakain na mga yamang dagat.
Ipinaliwanag niya na hindi muna kailangang dalin ang mismong kargamento pagpunta sa PAO.
Dahil itinatakda aniya ng mga magsasakang mangangalakal ang biyahe ng kanilang mga produktong agrikultural.
Kinakailangang maunang pumunta sa PAO ang may-ari o ang tauhan na nabilinan para magsumite ng mga rekisito upang makuha ang Food Pass.
Pagpunta sa PAO, kailangang dala ang kopya ng Official Receipt of Registration, Certificate of Registration, Business Permit, Foodlane Accreditation Form na may dalawang piraso na 1×1 ID picture, Foodlane Reference Form, Statement of Commitment at litrato ng sasakyan na ginagamit na panghakot.
Ipinaalala naman ni Carillo na kung ang karga ay mga buhay na hayop gaya ng Baka, Baboy, Manok, mga Itlog at anumang kaugnay nito, kailangang dalahin din ang license and accreditation ng sasakyan na inisyu ng Bureau of Animal Industry.
Ang pagkakaloob ng Food Pass ay naaayon sa Memorandum Order 09-2020 na ipinalabas ni DA Secretary William Dar.
Layunin nito na matiyak na hindi mapipigil ang galaw at biyahe ng mga kalakal na pagkain pati na ang mga nagtatrabaho sa sektor na ito.
Ito’y sa gitna ng ipinaiiral na Luzon Enhanced Community Quarantine para masugpo ang sakit na coronavirus disease.
Kaugnay nito, bilang pagpapatupad sa utos ng DA, naglabas din ng Memorandum No. 03192020-95 si Fernando upang paalalahanan ang mga punong lungsod, mga punong bayan at mga kapitan ng barangay na paraanin sa mga checkpoints ang lahat ng uri ng produktong agrikultural, support services, mga manggagawa sa agribusiness, mga magsasaka at mangingisda.