Gitgitan sa kalsada, 17-anyos tricycle driver pinagbabaril, patay

Pinaniniwalaang nagkagitgitan sa kalsada ang pinagmulan ng naganap na ‘road rage’ na ikinasawi ng isang 17-anyos na tricycle driver makaraang pagbabarilin ng di pa nakikilalang salarin sa harap ng simbahan sa Barangay Poblacion, Pandi, Bulacan Lunes ng gabi.

Kinilala ni P/Major Joy Placido, Chief of Police ng Pandi, kinilala ang biktima na si John Paul Bonifacio, residente ng Barangay Malibung Bata habang pinaghahanap na ngayon ang suspek na sakay ng kotse nito na kulay puting Mitsubishi na mabilis na tumakas matapos maisagawa ang krimen.

Batay sa panimulang imbestigasyon, naganap ang pamamaril dakong alas-8:00 ng gabi sa nasabing lugar sa harap mismo ng simbahan habang ang biktima ay sakay ng kaniyang tricycle at nag-aabang ng pasahero.

Ayon kay Placido, base na rin sa mga nakalap na impormasyon buhat sa isinasagawang imbestigasyon, road rage ang ugat ng krimen kung saan sinasabing nagkagitgitan umano ang dalawa  sa kalye na humantong sa away at pamamaril.

Nabatid  na habang nagtatalo pa umano ang dalawa ay bumunot ng baril ang suspek habang lulan ng kaniyang kotse at maka-ilang beses na pinaputukan ang biktima at saka mabilis na tumakas.

Limang tama umano ng bala sa katawan ang tinamo ng suspek na bumulagta sa loob ng kaniyang sidecar na agad nitong ikinamatay.
Humihingi naman ng katarungan ang ina ng biktima na si  Mercedita Dela Cruz na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang anak na isang menor de edad.

Nanawagan rin ang ina ng biktima sa isang babaeng testigo umano sa krimen na lumutang at ilahad ang mga nasaksihan sa krimen na sinasabing mayroon pang ibang kasama ang suspek sa loob ng kotse na pawang mga nakainom ng alak.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews