Gobernador ng Bulacan naglabas ng EO vs overloading vehicles

LUNGSOD NG MALOLOS — Inilabas ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado ang Executive Order No.06 series of 2018 na istriktong magpapatupad sa ilang probisyon ng Republic Act 8794 partikular sa overloading ng mga trak, trailer, bus, at iba pang motor vehicles.

Ayon kay Alvarado, ang kaligtasan ng mga daan ang dapat na maging prayoridad lalo pa’t lumobo ang bilang ng mga may nagmamay-ari ng sasakyan nitong mga nakalipas na taon.

Batay sa ipinalabas na Joint Implementing Rules and Regulations ng Department of Public Works and Highways at Department of Transportation, walang sasakyan ang maaring maglulan ng higit sa itinakdang gross vehicle weightnito at walang axle load ang hihigit sa 13,500 kilograms.

Papatawan ang mga lalabag sa nasabing kautusan ng halagang katumbas ng 25 porsyento ng Motor Vehicle User’s Charge.

Samantala, isang Provincial Anti-Overloading Monitoring Team ang binuo upang ipatupad ang naturang Executive Order.

Ito ay binubuo ng Gobernador bilang tagapangulo at pinuno ng Kumite ng Public Works ng Sangguniang Panlalawigan bilang palawang tagapangulo.

Miyembro naman nito ang mga pinuno ng Provincial Engineer’s Office, Bulacan Environment and Natural Resources Office, at Bulacan Police Provincial Office.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews