Pinag-aaralan ngayon ng Sangguniang Bayan ng Hermosa ang PPP (public private partnership) Agreement sa pagitan ng Hermosa LGU at Econest Waste Management Corporation (Econest WMC) hinggil sa mga napaulat na paglabag ng pribadong kumpanya na siyang nag-ooperate ng Hermosa Sanitary Landfill Facility (SLF) sa Barangay Mambog, Hermosa, Bataan.
Sa isinagawang privilege speech ni Councilor Reggie Santos nitong Lunes, sa regular session ng Hermosa SB ay inisa-isa nito ang mga reklamo at paglabag ng Econest WMC partikular ang mga naging findings na inilabas ng regional office ng Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (EMB DENR).
“Hahayaan na lang ba nating apakan ang karapatan ng mga taga Hermosa sa malinis at ligtas na kapaligiran?,” tanong ni Kon. Santos sa kanyang mga kasamahan sa konseho.
Binanggit din ni Santos ang mga naging sumbong ng grupong Ecoguardians, na siyang dating mga sorters ng mga basura sa naturang sanitary landfill.
Dumalo ang mga myembro ng grupong ito sa mismong session hall para iparatinh ng pormal sa Hermosa LGU ang anila’y mga naging pangako ng kumpanya sa kanila na hindi natupad kabilang ang pondong isang milyong piso para sa kanilang livelihood projects.
Sumang-ayon naman sa panukala ni Kon. Santos na irebyu hanggang sa humantong sa pagkansela ng PPP agreement ng mayorya sa mga myembro sa konseho ng Hermosa kabilang sina Konsehal Sonjie Valencia, Lou Narciso, Floyd Tungol at Konsehala Luz Samaniego.
Matatandaan na matapos isyuhan ng notice of violation ng Hermosa LGU ang Econest WMC kamakailan ay panibagong NOV ang muling inihain ng EMB- DENR.
Base sa naging findings ng EMB-DENR, ang Econest WMC ay napag-alamang nag ooperate umano ng walang valid Discharge Permit and Hazardous Waste Generator Registration Certificate.
Bukod dito nakasaad sa dokumento ng EMB mula kay Regional Director Wilson Trajeco, na ang ilan sa kanilang treatment units ng Leachate Treatment Facilities ay wala umanong protective lining na maaaring magkontamina sa underground water ng bayan ng Hermosa dahil umano sa katas ng basura na tumatagas at nasisipsip ng lupa sa naturang lugar.
Kaugnay nito ay binigyan ng sampung araw ang Econest WMC para sagutin in writing ang mga natagpuang paglabag na may multang mula P10,000 hanggang P50,000 sa bawat paglabag nito sa nakasaad sa kanilang Environmental Compliance Certificate o ECC, paglabag sa Philippine Environmental Impact Statement System (PD 1586); at P10,000 to P200,000 para sa bawat araw na paglabag o violations ng Philippine Clean Water Act of 2004 o Republic Act 9275.
Nauna rito ay nagreklamo rin si Hermosa Mayor Jopet Inton dahil sa hindi umano pagtupad ng management ng Econest WMC sa kanilang PPP Agreement kung saan may bahagi o share dapat ang Hermosa LGU sa magiging kita nito sa pag-ooperate at pagtanggap ng mga basura ng ibang mga LGUs sa loob at labas ng Bataan at mga private companies mula sa Freeport Area of Bataan at Subic Bay Freeport Zone.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagbibigay ng opisyal na pahayag sa media ang naturang kumpanya.