LUNGSOD NG SAN JOSE– Itinampok ng lungsod ng San Jose katuwang ang Department of Trade and Industry o DTI ang paggawa ng higanteng pastillas sa idinaos na ika-11 Gatas ng Kalabaw Festival.
Ang inilunsad na pastillas na gawa sa 15-litrong gatas ng kalabaw at korteng bulaklak ay tinunghayan at natikman ng mga kawani, mga nasasakupang kababaya’t mag-aaral, kasama pa ang mga miyembro ng Nueva Ecija Micro Small and Medium Enterprises Council.
Ayon kay DTI Provincial Director Brigida Pili, layunin ng taunang pagdiriwang na maipakilala ang lalawigan bilang sentro ng mga produktong gawa sa gatas ng kalabaw at kalaunan ay kilalaning Dairy Capital ng bansa.
Gayundin aniya ay mapalawak pa ang kaisipan at kamalayan ng nakararami sa mga benepisyong hatid ng gatas sa nutrisyon ng tao at maging sa paghahanapbuhay kagaya ng mga magsasakang umunlad ang kabuhayan dahil sa wastong pangangalaga at pangangasiwa ng kalabaw at produksyon ng gatas.
Dito ay natunghayan din ang Tagay Pugay o maramiha’t sabayang paginom ng gatas ng kalabaw na sumisimbolo sa nagkakaisang damdaming patuloy na palaganapin at paunlarin ang industriyang paggagatas sa buong probinsiya.
Nakapaloob din sa naturang pagdiriwang ang trade fair ng mga ipinagmamalaking produktong gawa mismo sa lungsod tulad ng pastillas, cassava cake, puto pati na mga pang-dekorasyon sa bahay, pansariling kagamitan at iba pa.
Ipinagpasalamat naman ni Mayor Mario Salvador sa mga ahensya ng pamahalaan at mga kababayan ang patuloy na pagsuporta sa mga inilulunsad na programa ng siyudad.
Kaniya ding ipinanawagang manatiling magsama-sama at magbuklod para sa ikauunlad pa at paglaki ng lungsod San Jose.
Kaalinsabay sa naging pagdiriwang ay ginugunita din ng pamahalaang lokal ang ika-48 taong pagkakatatag ng San Jose bilang siyudad. (CLJD/CCN-PIA 3) –Camille C. Nagaño