LUNGSOD NG MALOLOS — Tinatawagan ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang mga Pilipino na huwag hayaang sirain at makapaghari ang mga kriminal sa Republika ng Pilipinas.
Iyan ang sentro ng kanyang talumpati bilang panauhing pandangal sa pagdiriwang ng Ika-121 Taong Anibersaryo ng Pagpapasinaya sa Pilipinas bilang isang Republika, sa makasaysayang simbahan ng Barasoain.
Hindi aniya matatawaran ang buhay at sakripisyo na iniaalay ng mga naunang henerasyon ng mga Pilipino sa huling bahagi ng ika-19 siglo, upang matamo ang pagsasabansa ng Pilipinas.
Binigyang diin pa ng senador na nararapat na maging inspirasyon ito ng karaniwang mamamayan partikular na ang mga kabataan.
Kaya naman makatwiran aniyang maisulong ang pagkakaroon ng tunay na kapayapaan at ganap na kaunlaran alang-alang sa kinabukasan ng mga kabataan at ng bayan.
Upang maganap ito ayon pa kay Dela Rosa, kinakailangang turuan ang kabataan kung paano yakapin ang tunay na kahulugan ng pagkabansa at panatilihing malaya ang bansa. Gayundin ang mapalakas ang diwang makabayan at pagpapakabayani upang makapag-ambag sa lalong pagsulong ng bayan.
Para naman sa mga kabataan na naliligaw ng landas dahil sa iligal na droga at iba’t ibang uri ng krimen, isinusulong ni Dela Rosa na makapagpatayo ng mga Crisis Center sa bawat lalawigan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na magpakatuwid at makabalik sa pagtulong na makapag-ambag sa bayan.
Kinatigan ito ni Malolos City Mayor Gilbert Gatchalian sa pamamagitan ng pagpapahayag na matitiyak na hindi mababalewala ang mga tagumpay ng Republika kung mapapalakas ang tatlong pangunahing pundasyon nito.
Kabilang dito ang pundasyon ng kasaysayan, pundasyon sa paniniwala at pagsunod sa batas at pundasyon ng kalakasan ng mga mamamayan.
Ipinaliwanag niya na magaganap ito kung ang isang mamamayan ay hindi lamang basta nalalaman ang dapat gawin, kundi gumagawa ng kanyang nalalaman na dapat gawin.
Samantala, sinabi naman ni Gobernador Daniel R. Fernando na ang pagiging Republika ng Pilipinas ay nagpapakita na nasa mga karaniwang tao ang kapangyarihan ng pamahalaan. Malaya na nakakapagpahayag ng saloobin, nakakapag-aral, nakakapag-ari, nakakapili ng relihiyon, nakakaboto o pwedeng maiboto at nararanasan ang mga karapatang sibil, sang-ayon sa itinatadhana ng Saligang Batas ng 1899.
Napasinayaan ng mga delegado ng Kongreso ng Malolos ang Pilipinas bilang isang Republika noong Enero 23, 1899 sa bisa ng Saligang Batas ng 1899. Ito ang naglagay sa kasaysayan na ang Pilipinas ang kauna-unahang Republika at pinakamatandang demokrasya sa Asya.