Inisyal na P6-M, naitulong na ng DTI sa mga MSMEs sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS — Nakapagkaloob na ng inisyal na anim na milyong piso  ang Department of Trade and Industry o DTI sa unang 33 micro, small and medium enterprises o MSMEs sa Bulacan sa ilalim ng COVID-19 Assistance to Restart Enterprises o CARES.

Ayon kay DTI Bulacan Director-in-Charge Ernani Dionisio, kasalukuyan namang ipinoproseso ang may 120 pang mga aplikante na nais makahiram upang muling makapagsimula o makapagbukas ulit ng negosyo. 

Ang CARES ay ipinatupad ng administrasyong Duterte upang agapayan ang mga MSMEs na naapektuhan ng ipinairal na community quarantine upang labanan ang COVID-19. 

Ipinaliwanag ni Dionisio na ang mga maaaprubahang MSMEs na makahiram sa CARES ay magmumula sa isang bilyong pisong special financing program ng Small Business Corporation ng DTI para sa buong bansa. 

Maaring makahiram sa CARES ang sinumang MSME na may isang taon nang may operasyon bago ang Marso 16, 2020 at may kabuuang ari-arian na hindi lalagpas sa 15 milyong piso. 

Ang mga MSMEs na hindi hihigit sa tatlong milyong piso ang ari-arian ay pwedeng makahiram ng mula 10 libo hanggang 200 libong piso. Kung hindi naman hihigit sa 15 milyong piso ang halaga ng negosyo, pwedeng hanggang 500 libong piso ang mahihiram. 

Wala itong interes at pwedeng bayaran mula 18 hanggang 30 buwan mula sa pag-aapruba ng aplikasyon. 

Kaugnay nito, hinikayat ni Dionisio ang mga Bulakenyong MSMEs na magsumite ng aplikasyon sa CARES upang makita kung paano matutulungang muling makapagbukas ng negosyo. 

Sinumang MSME sa Bulacan ay maaring magsumite ng aplikasyon sa https://brs.sbgfc.org.ph/. Pwede ring mag-follow-up sa email na [email protected] kapag nakapagsumite na ng aplikasyon.

Samantala, target ng DTI Bulacan na unti-unti nang makapagbukas ang maraming mga MSMEs mula sa pagkakasara noong kasagsagan ng mas mahihigpit na community quarantine. 

Patunay dito ang muling pag-agyat ng bilang ng mga nabubuksang bagong mga MSMEs nitong Hunyo na nasa 1,717.

Ito’y malaking pagsulong mula sa 218 noong Mayo at 2 noong Abril. 

Base sa tala ng DTI Bulacan, nagsimula ang taong 2020 na may 3,424 na mga bagong MSMEs ang nabuksan sa Bulacan noong Enero; 2,921 noong Pebrero at 1,381 nitong Marso. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews