LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga — Nilagdaan nitong Miyerkules ng mga opisyal ng Department of Labor and Employment, Civil Service Commission o CSC at Social Security System o SSS ang Implementing Rules and Regulations o IRR ng Expanded Maternity Leave Law.
Sa ilalim ng nasabing batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero, may hanggang 105-day maternity leave ang mga ina mula sa pampubliko at pribadong sektor at may opsyon na i-extend ito hanggang 30 araw na walang bayad.
Ayon kay CSC Chairperson Alicia dela Rosa-Bala, bukod dito, may karagdagang 15 araw na leave para sa mga solo mothers o katumbas ng 120 araw.
Bahagi rin aniya nito ang probisyon na ilipat sa ama ng sanggol ang pitong araw na leave kahit hindi siya kasal sa ina.
Sinabi naman ni SSS President and Chief Executive Officer Aurora Ignacio, sa kabila ng posibilidad na makaranas ngdowntime ang mga pribadong kumpanya dahil sa haba ng nasabing leave, pinagtibay ang batas upang mabigyan nang sapat na panahon ang inang maalagaan ang kanyang sanggol.
Isa aniya itong proteksyon sa karapatan ng kababaihan na dapat maunawaan ng mga kumpanya at isang holistic approach upang mapabuti ang pamumuhay ng mga kababaihan, kanilang mga anak at mga pamilya.
Sinabi rin ni Ignacio na paraan ito upang ganap na makapagpalakas ang mga ina at maitaguyod ang pagpapasuso.
Naging epektibo ang nasabing batas noong Marso 11. Nangangahulugan ito na ang mga nanganak simula sa araw na iyon ay sakop ng nasabing benepisyo.