LUNGSOD NG MALOLOS — Nagbilin ang Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan na si Gloria Macapagal-Arroyo sa mga Bulakenyo na patuloy na itayo ang Republika upang matiyak ang lalong pag-unlad.
Sa kayang talumpati sa pagdiriwang ng ika-121 taong anibersaryo ng proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa simbahan ng Barasoain, sinabi ng dating Pangulo na ang pagtataguyod sa Republika ay masusukat kung naipapanalo ng bansa ang laban sa kahirapan.
Aniya ang ang henerasyon ng ating mga ninuno, ipinaglaban ang kasarinlan. Ang atin namang henerasyon ang magtuloy ng laban para sa Kalayaan mula sa kahirapan.
Binigyang diin ni Arroyo na sa nakalipas na dalawang dekada ay napakalaki na ang pagbaba ng kahirapan sa bansa.
Base sa datos na kanyang iprinisinta, 39 porsyento ang antas ng kahirapan sa Pilipinas nang maging Pangulo siya noong 2001. Napababa ito sa 26 porsyento nang matapos ang kanyang termino noong 2010.
Hinamon naman ni Arroyo ang mga Bulakenyo na patuloy na suportahan ang administrasyong Duterte upang makuha ang target na pagbaba pa ng kahirapan sa 14% pagsapit ng taong 2022.
Kabilang ang simbahan ng Barasoain sa sa mga pangunahing pook pangsaysayan sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan. Ang iba pang lugar ay ang Liberty Shrine sa lungsod ng Lapu-Lapu; Museo ni Emilio Aguinaldo sa Kawit, Cavite; Museo ng Kasaysayang Panlipunan ng Pilipinas sa lungsod ng Angeles, Bonifacio National Monument sa lungsod ng Caloocan; Museo ng Katipunan sa lungsod ng San Juan, at Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion sa Manila North Cemetery.
Ang tema ng selebrasyon ngayon taon ay “Kalayaan 2019: Tapang ng Bayan, Malasakit sa Mamamayan.”