MARIVELES, Bataan — Isang malaking tulong ang inilunsad na Joint Industrial Peace Concerns Office o JIPCO ng pulisya sa Freeport Area of Bataan o FAB sa gitna ng pandemyang dulot ng coronavirus disease.
Sinabi ni Authority of the Freeport Area of Bataan o AFAB Administrator Emmanuel Pineda na matapos ilunsad ang JIPCO sa FAB noong ika-10 ng Marso ay naging mapanuri ang mga mangagagawa at hindi na sila madaling mapaniwala sa mga propaganda na nagiging dahilan para sila ay mapariwala sa kanilang hanap-buhay.
Ayon kay Pineda, nagkaroon ng kooperasyon ang mga manggagawa sa mga patakarang inulansad ng AFAB, Department of Health, Department of Labor and Employment at Department of Trade and Industry habang pinaiiral ang community quarantine.
Naging mas maayos din aniya ang relasyon ng mga manggagawa sa AFAB dahil nagkaroon ng direktang komunikasyon para sa mga sumbong at hinaing na hindi agad natutugunan ng mga employers.
Sinabi ni Police Regional Director PBGen. Rhodel Sermonia na ginagawan na ng Memorandum Circular ang JIPCO upang palawigin ito sa buong Pilipinas, hindi lamang sa Gitnang Luzon.
Muli namang binigyang diin ni Sermonia na ang programa ay hindi union busting na ibinibintang ng mga makakaliwang organisasyon na pilit pinapasok at kinokontrol ang mga unyon sa ibat-ibang industriya na nagiging dahilan ng pagsasara ng mga kumpanya.
Ang JIPCO ay naglalayong pangalagaan ang mga manggagawang Pilipino at maprotektahan ang pamumuhunan ng mga lokal o dayuhang nagnenegosyo.
Dagdag ni Sermonia, naging parte rin ang programa sa paglunsad ng pulisya ng Rektang Bayanihan sa panahon ng pandemya sa pagbibigay ng ayuda para sa mga lubhang naapektuhang pamilya.