Sinimulan na ng Provincial Government of Bulacan ang bakuna para sa mga bata na nasa edad 12 hanggang 17-anyos sa isinagawang vaccination rollout sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos City nitong Miyerkules.
Tinatayang nasa 150 mga bata ang tumanggap ng first dose ng Pfizer at Moderna vaccines na pawang mga comorbidities.
Pinangunahan ni Governor Daniel Fernando ang inisyatibo na mabigyan na ng bakuna ang mga bata na kabilang sa 70% na populasyon ng Bulacan na kailangang mabakunahan.
Ayon kay Provincial Task Force Response Cluster Head Dr. Hjordis Marushka Celis, ang mga batang binakunahan ay mula sa 10% ng kabuuang 500,000 bata sa probinsiya.
Ang inisyatibo ng gobernador ay upang maihanda ang mga kabataan sa face-to-face classes sa susunod na taon.
“Once bakunado na po lahat ang mga kabataang Bulakenyo edad 12-17 lalo na ang mga estudyante ay saka pa lang po natin papayagan ang face-to-face classes,” wika ni Fernando.
“Relax na ako at least protektado na anak, nawala na yun pangamba at agam-agam,” pahayag ni JoJo Tobias ama ni Justin Miguel, 13, isang asthma patient mula sa bayan ng Santa Maria na binakunahan ng Pfizer vaccine.
Ayon pa kay Fernando, nasa 65% ng 2.7 milyong populasyon na ang nabakunahan sa Bulacan kung saan 37% ang tumanggap ng first dose habang 28% ang fully vaccinated.