Kalidad ng itinitindang bakal at semento sa Bulacan, tiniyak ng DTI

LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Tiniyak ng Department of Trade and Industry o DTI na pasok sa itinakdang Philippine Standard mark  ang kalidad ng mga itinitindang bakal at semento sa mga hardware sa Bulacan.

Sa ginanap na Special Monitoring and Enforcement of Substandard Construction Materials sa lungsod ng San Jose Del Monte, ipinaliwanag ni Jacinto Pulido ng DTI Bulacan na pinaigting ng ahensya ang pagsasagawa ng mga surpresang inspeksyon sa mga hardware kasunod ng pagdagsa ng mga angkat na Bakal at Semento dahil sa mga naaprubahang Import Commodity Clearance.

Binigyang diin naman niya na bagama’t legal ang nasabing importasyon, pinoproteksiyunan ng DTI ang lokal na industriya at tiyaking nakakasabay sa patas na kompetisyon sa merkado.

Tamang sukat sa haba at tamang bigat ang prayoridad na tinitignan ng DTI sa mga bakal. Halimbawa, sa bawat isang piraso ng 12 millimeter na bakal o steel bar, kinakailangang hindi iigsi sa anim na metro ang haba. Kinakailangan din na may bigat ito na mula lima hanggang anim na kilo. 

Kaya naman hinikayat din ni Pulido ang mga nagpapagawa ng bahay at mga establisemento sa lalawigan na ipatimbang ang partikular na sukat at laki ng Bakal na binibili upang matiyak ang tamang kalidad nito. 

Kaugnay nito, nananatili namang matatag ang suplay at presyo ng Semento sa lalawigan. Naglalaro lamang sa presyong 220 hanggang 226 piso ang halaga ng bawat isang sako o bag ng semento. 

Ayon pa sa DTI, nakatulong sa pagpapanatiling matatag ang suplay at presyo dahil mismong sa Bulacan nakabase ang mga pangunahing pabrika ng Semento na nasa Norzagaray at San Ildefonso. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews