CLARK FREEPORT ZONE — Binanggit ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na ang batas at kaayusan ay mahalaga sa pag-unlad ng kanayunan.
Sa kanyang talumpati sa Kapampangan Food Festival sa Clark kagabi, sinabi niya na palalaguhin niya ang ekonomiya ngunit kailangang maintindihan ng publiko na walang tunay na pag-unlad, lalo na sa kanayunan, kung walang tunay na kapayapaan.
Ayon sa Pangulo, nahuhuli lagi sa pag-unlad ang sektor ng agrikultura at ang tanging paraan lamang upang mapabuti ito ay mamahagi ng mga lupain sa mga pesante kung kaya rin naman itong tustusan ng pamahalaan.
Binanggit rin ni Duterte kung gaano kapalad ang mga Kapampangan dahil mayroon silang Clark na pwedeng gamitin at pamahalaan.
Giit niya, isang napakahalagang destinasyon sa bansa ang Clark sapagkat taglay nito ang lahat ng mga hinahanap at kakailanganin sa isang patag na lugar.
Idinagdag din niya na ang Clark ay isang napakahalagang arterial area dahil ito papalabas sa Luzon, pahilaga.
Gayunman, sinabi niya na may mga inisyatibo pa ring kailangang gawin ang pamahalaan bago tuluyang makamit ng Clark ang buong potensyal nito.
Ang isa sa mga ito ay pagsasaayos ng mga imprastraktura at ang paglilipat ng ibang industriya mula sa Maynila patungo rito.
Pagtataya ni Duterte, hindi na isang opsyon para sa industriya ang Maynila kaya kailangan ng pumunta ng mga negosyante sa ibang mga lalawigan.
Ngunit ang pinakamahalagang bagay, ayon sa Pangulo, ay ang pagkakaroon ng isang malawakang transportasyon at pagpapalawak ng mga pangunahing daan, katulad ng mga kasalukuyang proyektong ginagawa sa Clark. (CLJD/MJLS-PIA 3)Marie Joy L. Simpao