Kaso ng COVID-19 sa Bulacan pumalo na sa 60

BULACAN- Umabot na sa 60 ang nag-positibo sa coronavirus (COVID-19) disease sa lalawigan ng Bulacan kung saan 14 na ang namatay habang tatlo naman ang nakarekober, ayon sa Provincial Health Office.

Nabatid na ang mga infected ng nasabing nakamamatay na virus ay nag-mula sa 16 na lungsod at munisipalidad sa lalawigan ng Bulacan at karamihan dito ay mula sa Lungsod ng Malolos at San Jose Del Monte kung saan umabot na sa  1,983 ang active person under investigation at monitoring (PUI / PUM) habang 4,570 naman ang cleared PUI / PUM.

Ayon kay PHO director Dr. Joy Gomez, ang pinakabagong nagpositibo ay isang 38-anyos na lalaki mula sa CSJDM at isang 51-anyos na babae na mula naman sa bayan ng Marilao.

Ayon kay Bulacan Governor Daniel Fernando, negatibo na sa isinagawang test ang tatlong nagpositibo kamakailan na kinilalang sina PH152 mula sa Baliwag, PH21 mula sa City of San Jose del Monte, at PH413 mula naman sa Bulakan. Magugunita na umapela si Fernando sa publiko na huwag pakitaan ng ng diskriminasyon ang mga covid-19 patients under investigation.

Umapela rin ang gobernador sa mga Bulakenyos na patuloy na manatili sa kanilang mga tahanan habang umiiral pa rin ang  ECQ kaugnay ng covid-19 outbreak na siyang pinakamabisang paraan upang maiwasan ang naturang virus.

Sinabi nito na tuloy-tuloy din ang isinasagawang  2nd wave ng relief operation sa mga bayan-bayan at lungsod sa nabanggit na lalawigan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews