BOCAUE, Bulacan — Pinangunahan nina House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at Public Works and Highways Secretary Mark Villar ang Groundbreaking Ceremony para sa Ciudad de Victoria Interchange ng North Luzon Expressway o NLEX.
Ayon kay Villar, nagkakahalaga ang proyekto ng 635 milyong piso na naglalayong tugunan ang matinding trapiko sa Bocaue Exit ng NLEX at sa matagal na pagtukod ng mga sasakyan sa kahabaan ng Governor Fortunato Halili Road sa Santa Maria.
Pinangunahan nina House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo (kaliwa) at Public Works and Highways Secretary Mark Villar (pangalawa mula kanan) ang Groundbreaking Ceremony para sa Ciudad de Victoria Interchange ng North Luzon Expressway. (Shane F. Velasco/PIA 3)
Ang interchange ay isang uri ng imprastraktura na may tulay na tatawid sa ibabaw ng NLEX, mula sa bahagi na malapit sa munisipyo ng Bocaue papuntang Ciudad de Victoria at pabalik. Magkakaroon ito ng entry at exit ramps sa magkabilang panig ng NLEX.
Bukod sa itatayong interchange, maglalatag ng dalawang bagong daan upang ikabit ito sa MacArthur Highway sa bahagi ng Bocaue at isang papunta na diretso sa Santa Maria Bypass Road. Tig-apat na linya o tig-dalawang salubungan na daan ang mga kalsadang ito.
Sasabayan naman ito ng rehabilitasyon ng mga kalsadang nasa loob ng Ciudad de Victoria, pagtatayo ng tulay ng San Gabriel sa Santa Maria at paglalatag ng isa pang bagong daan papuntang Patubig sa Marilao.
Bilang isang Tourism Enterprise Zone, matatagpuan sa Ciudad de Victoria ang mga pasilidad panturismo gaya ng Philippine Arena at Philippine Sports Stadium na pinamamahalaan ng Maligaya Development Corporation.
Sa talumpati ni Atty. Glicerio P. Santos IV, Chief Operating Officer ng Maligaya Development Corporation, nagpasalamat ito kay Villar sa pagtitiyak na matatapos ang proyekto sa Nobyembre 17, 2019.
Ayon pa kay Santos, tamang tama ang pagtatapos sa proyekto sa takdang panahon dahil magagamit ito agad sa paparating na 30thSoutheast Asian Games kung saan kabilang ang Philippine Arena at Philippine Sports Stadium sa mga gagamiting pasilidad.