Labanan ang maling impormasyon ngayong pandemya: Gov. Fernando

Dapat sabayan ng paglaban sa mga maling impormasyon ang pakikibaka sa nararanasang pandemya ng COVID-19.

Iyan ang binigyang diin ni Gobernador Daniel R. Fernando sa ginanap na pulong ng Provincial Task Force against COVID-19 dahil sa labis na pagkalat ng mga maling impormasyon na aniya’y nakakapagdulot ng lalong pagkalito, pagkatakot at pagkagalit ng mga Bulakenyo. Sa nasabing pulong, bagama’t hindi pa aniya tapos ang laban sa pandemya, mas marami pa ring magagandang resulta ang laban na ito.

Una na riyan ang nananatiling mataas na recovery rate ng Bulacan na nasa 78%. Ibig sabihin, 15,891 na ang gumaling mula sa 20,139 na tinamaan ng COVID-19 sa lalawigan. Higit na mas mataas ito sa 19% o 3,707 na kasalukuyang may COVID-19 pa o tinatawag na active cases. Nakapagtala naman ng 3% o 541 ang namatay dahil sa nasabing sakit.

Dahil dito, hinikayat ng gobernador ang mga Bulakenyo, pati na ang mga pumupuna sa mga hakbang ng pamahalaang nasyonal at lokal, na wala aniyang magaling sa panahon ng pandemya kaya mas kailangan na makiisa ang lahat sa mga ipinatutupad na alintuntunin at huwag lamang humanap ng mga mali. Sapagkat higit aniyang mas marami ang napagtagumpayan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa laban sa pandemya ng COVID-19.

Patuloy din sa pagtaas ang testing capacity ng pamahalaang panlalawigan mula nang agarang ipatayo ang Molecular Laboratory na sinabayan ng pagkakaroon ng mga GeneXpert machines. Mula sa pagsasagawa ng 23 swab tests kada araw noong Hunyo 2020, nakakapagtest na ng nasa 653 kada araw nitong Marso 2021 na saktong isang taon simula nang tumama ang pandemya.

Dahil dito, umabot na sa 70,561 na mga indibidwal ang naisailalim sa testing ng pamahalaang panlalawigan. Mababa rin ang positivity rate dahil ayon kay Dra. Hjordis Marushka Celis, hepe ng Bulacan Medical Center at head ng response cluster ng Provincial Task Force against COVID-19, nasa 3% lamang o tatlo sa 10 isinasailalim sa swab tests ang nagpopositibo. Sa kabuuan naman mula nang umarangkada ang testing noong Hunyo 2020, nasa 16% ang nagpositibo o 11,083 sa 70,561 na sumailalim sa swab test.

Samantala, nirerepaso na sa Sangguniang Panlalawigan ang pagkakaroon ng sariling planta ng Oxygen na planong itayo sa likurang bahagi ng Bulacan Medical Center sa Malolos. Natapos na rin ang konstruksiyon ng bagong dalawang palapag na gusali ng Provincial Health Office (PHO) kung saan ilalagak ang bagong lokasyon ng Bulacan Provincial Blood Center. Ayon pa kay Gobernador Fernando, bahagi ito ng pagpapalakas ng kapasidad ng pamahalaang panlalawigan sa pagtugon sa mga tinamaan ng COVID-19 at maging sa kalusugan ng mga karaniwang pasyenteng hindi ito ang sakit.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews