LCSP tutol sa passenger discrimination

“Tutol ang LCSP (Lawyers for Commuters Safety and Protection) sa anumang diskriminasyon sa public transportation. Ang hindi pagpapasakay sa isang pasahero dahil sa itsura, timbang, edad, kulay, kasarian o lahi ay isang matinding franchise violation na ‘refusal to convey passenger.'”

Ito ang bahagi ng press statement na ipinadala ni LCSP Founder and President Atty. Ariel Inton sa iOrbitNews bilang reaksyon sa naging pahayag ng ride-hailing service na Angkas na hindi na nila pasasakayin ang mga “overweight na pasahero.”

Ani Inton, overcharging namang matatawag kung ang “matabang” pasahero ay sisingilin ng higit sa singil sa isang pasahero at wala aniyang LTFRB memorandum circular na nagpapahintulot ng doble singil sa isang matabang pasahero at ang hindi pagpapasakay sa kanila.

Bukod dito kontra din ang LCSP sa hirit na tatlong pisong dagdag sa base fare sa jeep. 

“Malaking kalbaryo sa mga mananakay na and base fare na 9 pesos sa unang 4 na kilometro ay itataas pa sa 12 pesos,” giit pa ni Inton. 

Ibig sabihin aniya, sa isang ordinaryong mananakay na sumasakay ng jeep ng dalawang beses kada araw ay dagdag anim na piso ang gastos sa pamasahe. 

Paglilinaw pa ni Inton, ang hirit na piso na provisional increase of fare habang dinidinig ng LTFRB ang fare hike petisyon ay hindi tinututulan ng LCSP.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews