LUNGSOD NG MALOLOS — Sinimulan nang ilimbag sa isang aklat ang sampung dokumentaryong nilikha ng mga Bulakenyo at ipinalabas sa nakaraang SINEliksik.
Sinabi ni Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office Head Eliseo Dela Cruz na kabilang sa tampok sa librong “SINEliksik Bulacan: Saliksik at Salaysay ng Kasaysayan ng Bayan Ko!” ang mga dokumentaryong “Una: Kaganapan sa Malolos”; “Bayang Bustos: Sandaang Taon na ba?”; “Yaman ng Hagonoy”, “Ang Lihim ng Inilibing na Ilog”, “Obando at ang Sayaw ng Pananampalataya”, “Meycauayan, Ikaw ay Una”; “Ang Naglalahong Kaharian ni Haring Kalabaw”; “San Rafael sa Gitna ng Kasaysayan ng Pilipinas”; “Quingua, Saan Nagmula?”; at “Baliwag sa Diwa’t Puso ng Bayan.”
Tampok sa “Una: Kaganapan sa Malolos” ang naging malaking papel ng lungsod mula sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso ng Malolos sa simbahan ng Barasoain, sa pagkakabalangkas at pagpapatibay ng Saligang Batas ng 1899 hanggang mapasinayaan ang Unang Republika ng Pilipinas sa loob din ng naturang simbahan.
Sa pagdiriwang ng Ika-100 Taong Sentenaryo ng pagkakatatag ng bayan ng Bustos, matutunghayan sa “Bayang Bustos: Sandaang Taon na ba?” ang kasaysayan ng pagbubuo ng bayan hanggang sa pagkakatamo ng kasalukuyang kaunlaran nito. Kasama na rito ang naging papel ng paggawa ng Minasa na isang biskotso sa pagpapalakas ng kanilang ekonomiya.
Mababasa naman sa “Yaman ng Hagonoy” ang natatagong kwento ng yaman ng bayang nakaharap sa look ng Maynila. Itinampok din ang naging papel ng malawak na palaisdaan sa pagiging pangwalong pinakamayamang bayan ng Bulacan. Iba pa rito ang pagpaparangal sa mga dakilang Pilipinong taga-Hagonoy gaya nina Senador Blas Ople, mamamahayag na si Jorge Carino at manlalarong si Iari Yongco.
Sa “Ang Lihim ng Inilimbing na Ilog” ay matutunghayan ang naging papel sa kasaysayan ng ilog ng Guiguinto at mga hamong pangkalikasan na kinakaharap nito ngayon.
Ipinapaliwanag naman sa “Obando at ang Sayaw ng Pananampalataya” ang kahulugan ng bawat sayaw-hakbang sa pamosong Sayawan sa Obando o ang Fertility Dance Festival. Isa itong kilalang pista sa buong bansa kung saan dumadagsa ang mga nais magkaroon ng asawa sa tulong ni San Pascual, ng anak sa tulong ni Santa Clara, at masaganang huling yamang dagat sa tulong ng birheng Salambao.
Sa “Meycauayan, Ikaw ay Una” ipinakita ang naging papel ng lungsod mula sa pagkamulat nito sa masiglang kalakalan sa tulong ng riles ng tren hanggang sa maging isa ito sa lugar ng mga pagtutuos noong panahon ng rebolusyon.
Ipinamulat ng “Ang Naglalahong Kaharian ni Haring Kalabaw” ang hamon ng patuloy na pagliit ng bilang ng mga Kalabaw sa Pulilan sa kabila na ito pa naman ang simbulo ng produktibidad ng mga magsasaka. Mas pinapalalim pa ng babasahing ito kung bakit napili ng mga Kastila si San Isidro, ang patron ng mga magsasaka, na maging pambayang patron ng Pulilan sa kabila ng mas maraming lupang sakahan sa Bulacan.
Itinampok sa “San Rafael sa Gitna ng Kasaysayan ng Pilipinas” ang nangyaring masaker sa simbahan ng San Rafael. Doon naganap ang pinakamadugong labanan sa Bulacan noong panahon ng rebolusyon. Dito nagsalpukan ang pwersa ng mga rebolusyanaryo sa pamumuno ni Heneral Anacleto Enriquez at mga Kastilang kawal sa ilalim ni Commandant Lopez Arteaga. Sa gitna ng labanan sa Rafael, sa simbahang ito nagtago ang may 800 mga karaniwang mamamayan mula sa mga bata, mga babae at matatanda.
Sa “Quingua, Saan Nagmula?” ay mapagtatanto ng babasa na ang tinatawag ngayong bayan ng Plaridel ay dating tinatawag na Quingua. Mas ipapakilala pa ang bayan mula nang hati-hatiin ng mga Kastila ang mga lot eng lupa rito hanggang sa ikatlong lahi ng pamilya. Gayundin ang pagkakatampok sa Goto bilang pinakakilalang pagkaing niluluto sa Plaridel.
At sa “Baliwag sa Diwa’t Puso ng Bayan” ay naglalayon na imulat ang mga kabataan sa yaman ng kasaysayan ng bayang Baliwag partikular na sa paglalala ng sambalilong Buntal. Itinatampok din dito ang mga nagpakilala sa bayan ng Baliwag mula sa arkitektura, transportasyon, daan, pagkain at mga personalidad gaya nina Mariano Ponce at Remedios Trinidad na ina ni dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos.