Nais ni Governor Daniel Fernando na malagyan din ng support barrier ang lima pang natitirang rubber gates ng Bustos Dam habang hindi pa napapalitan ang mga ito upang mas matiyak ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang kaligtasan ng mamamayang Bulakenyo.
Nanawagan din ang gobernador sa kapwa nya Bulakenyo na huwag matakot o mag-panic mula sa mga maling impormasyon kaugnay ng kasakukuyang kalagayan ng Bustos Dam dahil ginagawang lahat ng lokal na pamahalaan ng nasabing lalawigan ang mas makabubuting paraan upang mapanatiling maayos at ligtas sa taumbayan ang naturang dam.
Kahapon ay muling binisita ni Fernando kasama si Bulacan National Irrigation Administration (NIA) Manager Larry Ballesteros, Provincial Engineering Office chief Engr. Glenn Reyes at Liz Mungcal, head ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office ang Bustos Dam at nagsagawa ng inspeksyon sa lagay at sitwasyon nito makaraang sumailalim sa rehabilitasyon na katatapos lamang nitong July 15 matapos masira ang isa sa anim na rubber gates nito.
Ayon kay Fernando, bagamat maayos naman ang kinalabasan ng rehabilitasyon at paglalagay ng support barrier o coffer damming na aalalay sa nasirang rubber gate 5 ng dam ay kinakailangan pa rin itong i-monitor at bantayan para magawan agad ng paraan sakaling magkaroon muli ng problema.
Hiniling ng gobernador sa NIA national office na lagyan na rin ng support barrier ang lima pang rubber gates upang hindi mapuwersa ang mga ito dahil sa posibleng mahina o masira rin ang mga ito gaya ng nangyari sa rubber bladder 5.
Magugunita na nitong nakaraang Mayo 2020 ay nag-collapse o nasira ang Rubber Gate Bay 5 kung saan dalawang taon pa lamang nang ito ay sumailalim sa rehabilitasyon na dapat ay 20 taon pa bago ito dapat bumigay.
Dahil dito ay agad na ipinatawag ni Fernando ang mga taga-NIA at kontratista ng nasabing rehabilitasyon upang malinawan kung ano ang naging problema kung bakit bumigay agad ang naturang rubber gate kasabay ng mga mungkahi at solusyon na gagawin kaugnay sa naturang suliranin.
Sa napagkasunduan ay papalitan umano lahat ng rubber gates subalit hindi sa lalong madaling panahon dahil ayon sa NIA ay manggagaling pa sa ibang bansa ang ipapalit na materyales at isasagawang testing dito na aabutin ng hanggang anim na buwan.
Dito pansamantalang iminungkahi ni Fernando sa NIA na pansamantalang lagyan muna ng coffer damming ang lima pang rubber gates upang masigurong ligtas at maayos ang kundisyon ng Bustos Dam ngayong panahon ng tag-ulan.
Kasabay nito, sinabi ni Mungcal na nagpakawala ng tubig ang Bustos Dam Huwebes ng umaga matapos umulan ng magdamag at lumagpas sa spilling level ang water level nito na 17 meters.
“Umangat sa 17.05 ang water level ng Bustos Dam kaya dapat na magpakawa upang hindi mapuwersa ng water pressure na dala nito ang mga rubber gates,” ani Mungcal