Lumang PNR Malolos station, pinepreserba

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pinalibutan na ng mga scaffolding ang lumang istraktura ng dating istasyon ng tren ng Philippine National Railways o PNR sa lungsod ng Malolos.

Simula na ito ng gagawing preserbasyon sa istraktura na taong 1892 pa naitayo. Gagawin ito kasabay ng konstruksyon ng bagong istasyon para sa North-South Commuter Railways Project o NSCR Phase 1. 

Paliwanag ni Sumitomo Mitsui Construction Co. Ltd. site engineer Jason Patrick Torres, itinatayo ang bagong istasyon ng tren sa tabi ng dating istasyon. 

Kaya’t iniiwas sa lumang istraktura ang mga ibinaon na pundasyon para sa itinatayong bagong istasyon ng NSCR sa Malolos.

May taas itong tatlong palapag na kaharap ng gusali ng Kapitolyo ng Bulacan. Magiging kahilera nito ang Bulacan Eco-Commercial Building na pag-aari ng pamahalaang panlalawigan.

Ayon kay PNR General Manager Junn Magno, required sa pagtatayo ng NSCR ang pagpepreserba ng mga lumang istasyon ng tren bilang pagtalima sa corporate social responsibility.

Bukod sa preserbasyon, isasailalim din ng PNR sa restorasyon ang iba pang mga dating istasyon nito sa Guiguinto, Bigaa sa Balagtas at sa lungsod ng Meycauayan. 

Target matapos ang preserbasyon at restorasyon sa 2022 kasabay ng inisyal na operasyon ng NSCR Phase 1- Contract Package 2.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews