Luntiang Silong ng Bulacan Medical Center, nagkamit ng 2 parangal

LUNGSOD NG MALOLOS — Nagkamit ng dalawang parangal ang pasilidad ng Luntiang Silong sa Bulacan Medical Center sa katatapos na Quality Uptake and Improvements in Lifesaving Treatment Services o QUILTS Awards 2022.

Wagi ito sa mga kategoryang Linkage to Care at Differentiated Service Delivery and Case Management.

Ayon kay Human Immunodeficiency Virus o HIV Unit Nurse Supervisor Ronchie Santos, binigyang pagkilala ang pasilidad dahil sa pagbibigay ng wastong pangangalaga sa mga Bulakenyong nagpositibo sa HIV.

Linalayon din nito na magbigay kaalaman sa mga tao hindi lamang para bumuo at magpanatili ng mas ligtas na mga gawi, kundi magbigay rin ng ligtas na lugar upang mabawasan ang diskriminasyon sa mga Persons Living with HIV o PLHIV.

Dagdag pa ni Santos, hindi tumigil ang Luntiang Silong sa mga serbisyong kailangan ng mga PLHIV kahit pa may pandemya sa COVID-19.

Sa kanyang pahayag, hinikayat ni Gobernador Daniel Fernando ang mga Bulakenyo na magpatest at huwag ipagwalang bahala ang HIV upang maiwasan na ang pagkalat nito.

Samantala, kabilang rin ang Luntiang Silong sa finalist para sa Top Rapid HIV Diagnostic Algorithm Facility dahil sa mabilis na pagtatayo nito ng pasilidad habang nasungkit ng Meycauayan City Primary HIV Care Clinic ang Adherence Award.

Ang QUILTS ay isang award giving body na kumikilala sa mga partner facility at organisasyong nagbibigay ng mga serbisyong panggagamot sa mga PLHIV.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews