Magkakalaban sa pulitika nagkaisa dahil sa COVID, 36k relief goods ipinamahagi sa Pandi

Isinantabi muna sa bayan ng Pandi, Bulacan ang usaping pulitika kung saan nagkakaisa ngayon ang mga lider dito sa pangunguna ni Mayor Enrico Roque kasama ang mga barangay officials nang simulan na ang pamamahagi ng 36,000 relief goods sa mga bahay-bahay kaugnay ng Coronavirus (COVID-19) outbreak.

Kahapon ay mismong si Mayor Roque kasama ang mga barangay officials at kawani ng munisipyo ang nag-distribute ng libu-libong relief goods na unang inihatid sa Barangay Bagong Barrio kung saan habang ipinagkakaloob ito ay naisagawa pa rin ang social distancing.

Inline image

Ayon sa alkalde, sinimulan ang pamimigay bandang alas-9:00 ng umaga kung saan gamit ang isang microphone ay kakatukin ang bahay-bahay at iiwan sa harap ng bahay ang plastic bag na naglalaman ng bigas, delata at noodles.

“Ang kagandahan ngayon ay umiiral ang pagkakaisa, wala munang pulitika. Sa ganitong panahon ang dapat pairalin ay tulungan,” ani Roque.
Pinasalamatan ni Roque ang mga barangay captains sa ipinakitang suporta at pakikiisa bagama’t majority ng mga kapitan ng Pandi ay hindi nito kaanib sa nakaraang eleksyon.

“Sana ay manatili ang pagkakaisa ng sambayanan hindi lamang sa ganitong pagkakataon kundi pangmatagalan,” ani Roque.

Ayon sa punong bayan, 22 barangay ang kanilang iikutin para personal na maihatid ang tulong mula sa pamahalaang lokal.

Magugunita na bagama’t nananatiling Covid free hanggang sa ngayon ang bayan ng Pandi ay sila ang unang nagdeklara ng lockdown sa kanilang nasasakupan bilang paghahanda sa pananalanta ng Covid-19 sa bansa.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews