Mahigit 9K bata sa Malolos, susuplayan ng Dental Kits

LUNGSOD NG MALOLOS — Susuplayan ng Dental Kits ang may mahigit siyam na libong bata na may edad na pitong taong gulang pababa, na naninirahan sa 51 barangay sa Malolos.

Iyan ang tiniyak ni Mayor Gilbert Gatchalian sa ginanap na Araw ng Sabayang Pagsisipilyo bilang pakikiisa ng lungsod sa pagdiriwang ng National Oral Health na ginanap sa Malolos Sports and Convention Center. 

Nagbigay siya ng direktiba sa City Health Office at City Dental Office na ideliber ito sa tahanan ng mga bata tatlong beses kada taon. 

Naglalaman ito ng isang single-dose na toothpaste, toothbrush at tuwalya. 

Ayon kay City Dental Office Head Dondon Bautista, tuluy-tuloy ang pamamahagi ng mga dental kits sa mga bata dahil ayaw nilang maputol ang dental services sa lungsod.

Bukod dito, target na umikot linggu-linggo ang dental bus ng pamahalaang lungsod sa bawat barangay upang makapagsagawa nang paglilinis at pagpapasta ng ngipin ng mga bata at maging sa buntis. 

Kaugnay nito, bilang promosyon sa pangangalaga sa mga ngipin, may 3,411 na mga batang nag-aaral sa mga Day Care centers sa lungsod ang lumahok sa Araw ng Sabay-sabay na Pagsisipilyo. 

Para kay Gatchalian, layunin nito na malabanan ang mga cavities dahil nakaka-apekto aniya ang ngiti at pag-ngiti sa pagkatao at tiwala sa sarili.

Kaya’t prayoridad ng pamahalaang lungsod na maalagaan ang mga ngipin ng mga bata hanggang sa tumubo ang mga permanenteng ngipin nito. 

Samantala, pinayuhan naman ni Philippine Dental Association Bulacan Chapter President Loretta Cabrera ang mga magulang ng mga batang nakiisa sa Araw ng Sabay-sabay na Pagsisipilyo na iwasan ang mga matatamis na inumin at sa halip ay uminom nang maraming tubig.

Ito’y upang maging mas matibay ang mga ngipin at maging malusog ang mga gilagid. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews