Ang tigil putukan na namayani habang naguusap ang hanay ng administrasyong Duterte at kampo ng National Democratic Front-Partido Komunista ng Pilipinas-New People’s Army ay nagbigay ng kaunting panahon na iahon at bigyang buhay ang kapayapaan.
Ang magagandang balita ng government panel na sumali sa usaping pang kapayapaan sa Europa ay napalitan ng poot – ang usaping kapayapaan ay patay na. Ang ibong puti ng kapayapaan ay kinitil ng langay langayan.
Wala na namang tao sa Santa Filomena. Ang katapusan ng usaping kapayapaan ay hudyat para ipagpatuloy ng NDF-CPP-NPA ang kanilang pakikibaka. Tuluyan na ring winakasan ng administrasyong Duterte ang pakikipagusap sa mga rebeldeng komunista.
Sa Cagayan De Oro City, tatlong sundalo ang tinambang umano ng mga rebelde sa Malaybalay, Bukidnon noong Pebrero 1. Namatay sa pananambang si Pfc. Pat Non.
Ipinag utos ngayon ang pagdakip sa 13 NDF consultants na kinabibilangan ng mag asawang Benito and Wilma Tiamzon, Vic Ladlad, Afelberto Silva, Alfonso Jazmines, Alfredo Mapano, Loida Magpatoc, Pedro Cudaste, Ruben Salota, Ernesto Lorenzo, Porferio Tuna, Renante Gamara and Tirso Alcantara. Ngunit ayon sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG),ang mga nasabing consultants ay hindi puedeng arestuhin.
Ang mga NDF consultants ay pinayagang mag piyansa ng korte sa loob ng anim na buwan para sumali sa ikatlung yugto ng winakasang peace talks.
Dalawang rebelled naman ang naaresto na sa Davao City na kinilalang sina NDF consultant Ariel Arbitrario at NPA liaison officer Roderick Mamuyac. Sila ay naaresto dalawang araw matapos wakasan ni Pangulong Duterte ang unilateral ceasefire.
Matinding bakbakan naman ang nagyari sa Barangay Trece Martirez in Casiguran, Sorsogon ng pasabugin ng mga rebeldeng NPA ang isang improvised explosive device (IED) na ikinasugat ng dalawang sundalo ng Army. Limang NPA naman ang nasugatan sa isa pang labanan na nangyari sa Kitcharao, Agusan del Norte noong Linggo.
Nasaan na ang pangakong kapayapaan? Muli ang labanang Pilipino sa kapwa Pilipino ay kikitil pa ng maraming buhay. Ang usaping kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng mga rebeldeng Muslim ay patay na rin. Ang laban naman kontra droga ay kumitil lamang sa buhay ng mga Pilipino na hindi na binigyang pagasa na magbago pa.
Nasaan ang pinangakong pagbabago?