Mahigpit na ipatutupad sa bayan ng Baliwag, Bulacan ang isang ordinansa na magpapataw ng kaukulang parusa at multa sa sino mang mahuhuli na nagsasagawa ng illegal dumping sa isang pribado o pampublikong lugar sakop ng nasabing bayan.
Ito ang mahigpit na derektiba ni Baliwag Mayor Ferdie Estrella bilang tugon sa suliranin sa basura na kinahaharap ngayon hindi lang sa nabanggit na bayan kundi maging sa ibang bayan sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon kay Municipal Administrator Eric Tagle, inatasan ng kanilang punong bayan ang Sangguning Bayan na palawigin ang kampanya sa ukol sa “Bantay Kalikasan” at amyendahan ang ano mang batas o ordinansa na nakapaloob sa pag-iingat sa kalikasan.
Ang illegal dumping law ay kinapapalooban ng pgbabawal s pg-iwan ng basura sa mga sidewalk o sa labas ng iyong bahay sa hindi oras ng hakot nito; Ipagbabawal sa pagsabit sa bakod ng basura; bawal magtapon sa gilid o kanto na maaaring magdulot ng pagka-ipon ng basura; ipinagbabawal din ang paghagis ng basura sa mga patubigan at ka-ilogan at pag-iwan ng basura sa isang pribadong materials recovery facility.
Ayon kay Tagle, paiiigtingin ng pamahalaang lokal ng bayan ng Baliwag ang pagbabantay gamit ang mga CCTV camera at ang Intel Network upang mahuli ang sino mang lalabag o illegal na nagtatapon ng basura.
Magbubuo umano ng mga volunteer groups mula sa hanay ng mga mag-aaral; guro; kawani ng pamahalaan; toda; miyembro ng samahang sibiko at mga pangsimbahan upang maging “Bntay Kalikasan”.
Magsasagawa umano ng mga programa at palalawigin din ang komunikasyon tulad ng mga dialogue, pagpapakalap ng polyetos, tarpaulin, rekorida at iba pang paraan upang maipaabot sa bawat komunidad ang mga anunsiyo ng pamahalaang lokal.
Nauna na rito ay inilunsad ni Mayor Estrella ang “No Segregation, No Collection” policy sa pagkolekta ng basura kung saan hindi kokolektahin ng kolektor ng basura ang kani-kanilang mga basura kung hindi nakahiwalay ang mga nabubulok sa hindi nabubulok.
Pagbabayarin bilang multa ng halagang P2,500 ang sino mang mahuhuling lalabag sa itinakda sa ordinansa.